Vicente Manansala

Si Vicente Manansala ay isang Pilipinong mahusay sa larangan ng pagpipinta dito sa Pilipinas. Bahagi rin siya ng tinaguriang Thirteen Moderns.

Ipinanganak siya noong ika-22 ng Enero taong 1910 sa bayan ng Macabebe, Pampanga. Sa murang edad na 15, nag-aral siya sa ilalim ng pangangasiwa ng pintor na si Ramon Peralta na gumawa ng mga signboard at billboard.

Nakapatapos siya ng pag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas, sa School of Fine Arts noong 1930. Pinagpatuloy naman niya ang kaniyang pag-aaral sa Ecole de Beaux Arts sa Montreal, Canada at ilan pang pamantasan sa Estados Unidos at France.

Basahin: Juan Luna

Gaya ng iba pang modernista, pinili ni Vicente Manansala na ipakita ang sining gaano man kapangit ang tema nito o kaligirang kinapapalooban ng kaniyang mga paksa.

Napabilang siya sa isang eksibit, ang kaniyang kauna-unahang kinabilangan na ginanap sa Manila Hotel noong 1951. Nakilala si Vicente Manansala sa kaniyang estilong kubismong naaaninag o transparent cubism sa wikang Ingles—ang kaniyang mga pigura sa kanilang pinakapayak na hugis heometriko ay nanatiling nakikita sa kanilang kabuuan.

Binigyan niya ng bagong buhay ang kubismo sa pamamagitan ng paggamit sa mga karaniwang kaligirang Pilipino at mga katutubong tema sa konteksto ng nagbabagong kalungsuran.

Silipin din: Carlos Francisco

Naging bantog ang kaniyang obrang nagtatampok sa mga tindera sa Quiapo na nakasuot ng belo. Siya rin ang may likha sa lampas-taong mural sa pader na matatagpuan sa bulwagan ng Philippine Heart Center.

Dahil sa kaniyang angking husay sa pagpinta, nakatanggap siya ng samu’t-saring parangal tulad ng kaniyang likha na Barong-barong noong 1950 sa eksibisyong ginanap sa Manila Grand Opera House.

Pinarangalan din siya ng 1963 Republic Cultural Heritage Award at 1970 Patnubay ng Sining at Kalinangan Award mula sa Lungsod ng Maynila. Itinanghal din siya bilang Pambansang Alagad ng Sining sa Pintura noong 1982.

Basahin din: Benedicto Cabrera
Kasaysayan ng Pilipinas

ADVERTISEMENT
loading...