Tulay Pang-alaala | Tulay ng Jones

Ang Tulay Pang-alaala ng William A. Jones ay isang tulay na tumatawid sa Ilog Pasig sa Maynila, Pilipinas, na nag-uugnay ng distrito ng Binondo sa Kalye Quintin ng Paredes sa sentro ng lungsod sa Ermita.

  • Ang Tulay Pang-alaala

Tulay ng Jones

Tulay ng Jones
Photo from: Wikipedia

Bago tinawag Jones Bridge ang tulay na ito, ay minsan ding tinawag na “Queen of the Bridges” ng Maynila, dating kilala sa pangalang Puente de España o Bridge of Spain. Sinasabing unang ipinatayo ito ng mga Kastila noong 1701. Pero nang mailipat sa Amerika ang pamamahala sa Pilipinas at isailalim sa rehabilitasyon ang tulay noong 1916, tinawag na itong “Jones Bridge.”

Ito ay bilang pagpupugay kay William Atkinson Jones, isang kongresista sa Amerika na naging pinuno ng US House Committee on Insular Affairs na may hurisdiksyon sa Pilipinas at Puerto Rico. Si Jones ang may-akda sa Kongreso ng Philippine Autonomy Act of 1916, na tinatawag ding “Jones Law.” Dahil sa kanyang ipinasang batas, napagkalooban ng karapatan at kalayaan ang mga Pilipino sa pamamahayag, relihiyon at iba pa.

Pagkaraang dumanas ang Puente de España sa pagkapudpod at pagkaluma nang hindi na kayang maikumpuni, ipinanukala ang pagtatayo ng isang kapalit na tulay. Itinayo ito sa tabi ng Puente de España na nanatili sa paggamit hanggang sa matapos ang bagong tulay. Ipinangalan itong Jones Bridge, mula kay William Atkinson Jones, dating kinatawan ng Virginia na pangunahing may-akda ng Philippine Autonomy Act ng 1916.

Sinimulan ang buong pagtatayo ng tulay noong 1919 na pinamamahalaan ng pamahalaang panlungsod ng Maynila, ngunit namahala ang pamahalaang kolonyal ng Amerika sa pagtatapos ng tulay noong 1920. Pinasinayaan ang tulay noong 1921.

Makalipas ang ilang taon, lubhang nawasak ang tulay kasunod ng pagbobomba ng mga puwersang Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Pagkaraan ng digmaan pansamantalang itinayo ang isang bailey bridge hanggang sa muling pagtatayo ng Tulay ng Jones.

Pagkaraan ng digmaan, muling itinayo ng Kawanihan ng Daang Pampubliko ng Estados Unidos at ng noo’y Kawanihan ng Pagawaing Pampubliko ng Pilipinas sa ilalim ng Philippine Rehabilitation Act ng 1945. Dala ang pangalan ng tulay, ang bagong kahabaan ay isang payak na tulay na may metal na posteng barandilya at walang magarbong palamuti. Winasak din ng digmaan ang isa sa apat na mga rebulto ng La Madre Filipina; inilipat ang mga natitirang bantayog sa ibang lugar sa Maynila. Dalawa sa mga ito ay nakatayo ngayon malapit sa mga baitang ng gusali ng Hukuman ng Apelasyon habang inilipat naman ang isa sa Liwasang Rizal.

Isa ngayon ang Tulay ng Jones sa mga pinakaabalang tulay sa bansa. Ilan sa mga kamakailang pagpapabuti ay ang pagdaragdag ng mga ilawan sa poste at pagpapalit sa batong barandilya ng mga dating posteng barandilya, nakapagpapagunita sa unang Tulay ng Jones.