San Juan de Dios Hospital

Ang San Juan de Dios Hospital ay isang pinakamatandang ospital sa Pilipinas. Kilala na ito ngayon bilang San Juan de Dios Educational Foundation, Inc.

Itinatag ito ng mga misyonerong Pransiskano noong ika-24 ng Hunyo 1578. Nagsimula ang San Juan de Dios Hospital bilang dispensaryo—isang gusali para sa pamamahagi ng mga gamot sa Intramuros.

Noong 1579, nagpatayo ang mga pari ng kubong nipa at ospital na yari sa kawayan na may dalawang silid at si Fray Juan Fernandez de Leon ang unang naging kapelyan ng ospital.

Di naglaon ay nalipat sa pamamalakad ng Confraternity of Mercy ang ospital noong 1596. Isang apoy noong 1603 at lindol noong 1645 naman ang umubos sa yaman ng Cofradia, at nalipat ang pamamahala sa Brothers of St. John of God at nakilala na bilang San Juan de Dios Hospital.

Noong 1863, sinira ng isang lindol ang ospital, tatlong taon ang makalipas, nilipat ang institusyon sa pangangasiwa ng Konseho ng mga Inspektor pagkatapos lumipat sa Cavite ang orden.

Sa panahon ng kolonyalismong Español, karamihan sa mga pasyente noon ay puro mahihirap, ngunit sinimulang tanggapin ang mga nagbabayad na pasyente noong panahon ng mga Amerikano.

Binuksan ng ospital ang kauna-unahang paaralan ng narsing sa bansa noong 1913—isa ito sa mga pangunahing paaralang pang-narsing bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Noong 1952, lumipat ang ospital sa kasalukuyan nitong kinatitirikan sa Roxas Boulevard. Ang bahaging outpatient nito ay nakalaan noon para lamang sa mga mahihirap na pasyente.

Sa kasalukuyan, mayroon itong kapasidad na 230 kama at dito rin pumanaw si Mario O’Hara, isa sa pinakamahusay na direktor at manunulat ng dulang pampelikula.

Basahin: Malacañang
Kasaysayan ng Pilipinas

ADVERTISEMENT
loading...