Quiapo

Ang Quiapo ay isang distrito na matatagpuan sa Lungsod ng Maynila. Ang salitang ito ay nagmula sa pangalan ng isang akwatikong halaman na kiyapo.

Kahawig ng halamang ito ang water lily at maramihang nakalutang sa Ilog Pasig. Nasa puso ng Maynila ang distritong ito na nahahanggahan ng Estero de San Miguel sa timog, distrito ng San Miguel sa silangan, Abenida Claro M. Recto naman sa hilaga, at Quezon Blvd. sa kanluran.

Kilala ang Quiapo dahil sa simbahang Quiapo—ang Basilika Minor ng Itim na Nazareno. Napakaraming deboto ang Itim na Nazareno kaya isinasara ang mga kalye nito kapag sumasapit ang ika-9 ng Enero taun-taong pista ng patron.

Basahin: Baclaran

Libo-libo ang debotong sumasama sa prusisyon na tumatagal hanggang gabi. Ang kasalukuyang kulay kremang simbahan ay itinayo mula sa estrukturang nasunog noong 1928.

Kilala rin ito bilang lumang downtown dahil sa mga murang produkto na mabibili rito, napapaligiran din ito ng mga nagtitinda ng kandila at samu’t-saring agimat at halamang gamot para sa iba’t-ibang karamdaman.

Sa harapan naman ng Simbahang Quiapo makikita ang bantog na Plaza Miranda—ang plaza ay ipinangalan kay Jose Sandino y Miranda na nagsilbing kalihim ng tesorerya ng Pilipinas nang halos 10 taon mula 1853.

Pagkaraan, inilunsad ng lokal na gobyerno ng Maynila ang proyektong Buhayin ang Maynila sa pangunguna ni dating Alkalde Lito Atienza. Naging matagumpay ang proyektong isinagawa sa Lungsod ng Maynila lalo na sa Plaza Miranda, Palengke ng Quinta, at marami pang iba.

Basahin din: Iglesia Filipina Independiente
Kasaysayan ng Pilipinas

ADVERTISEMENT
loading...