Si Francisco Balagtas ay ang tinaguriang “Prinsipe ng Makatang Pilipino” at itinuturing na William Shakespeare ng Pilipinas para sa kanyang naging kontribusyon at impluwensya sa panitikang Pilipino.

  • Ang Prinsipe ng Makatang Pilipino
  • Buhay ng Isang Manunulat
  • Huling mga Araw ng Prinsipe ng Makatang Pilipino

Ang Prinsipe ng Makatang Pilipino

Si Francisco Baltazar y dela Cruz o mas kilala bilang Francisco Balagtas ay ipinanganak noong 2 Abril 1788 sa Panginay, Biguaa na ngayon ay tinatawag nang Balagtas, Bulacan. Siya ay isang tanyag na Pilipinong Makata at malawakang itinuturing na isa sa mga pinakadakilang Pilipinong pampanitikan na laureate para sa kanyang epekto sa panitikang Filipino. Kilala rin siya sa tawag na Kiko at Balagtas. Ang mga magulang niya ay sina Juana dela Cruz at Juan Baltazar. Sa edad na labing-isa, lumuwas patungong Maynila si Balagtas upang makahanap ng trabaho at makapag-aral. Una niyang pinasukang paaralan ay ang Parokyal sa Bigaa na kung saan siya ay tinuruan tungkol sa relihiyon. Pagkatapos, nag-aral naman siya sa Colegio de San Juan de Letran at naging guro niya si Padre Mariano Pilapil.

Buhay ng Isang Manunulat

Taong 1835 nakilala niya si Maria Asuncion Rivera nang manirahan si Kiko sa Pandacan, Maynila. Ang marilag na dalaga ang nagsilbing inspirasyon ng makata. Siya rin ang tinawag na “Selya” at tinaguriang M.A.R ni Balagtas sa kanyang tulang Florante at Laura. Ngunit hindi naging madali para sa kanya ang panliligaw kay Selya dahil mayroon siyang karibal na nagngangalang Mariano “Nanong” Kapule na isang taong ubod ng yaman at malakas sa pamahalaan. Dahil sa panliligaw ni Balagtas kay Selya, ipinakulong siya ni Nanong Kapule para hindi na muling makita pa siya ni Selya. Habang nakakulong siya, pinakasalan ni Nanong Kapule si Selya kahit walang pag-ibig na nadarama si Selya para sa kanya. At doon na niya nasimulang isulat ang Florante at Laura sa papel ng De Arroz para sa kanyang iniibig na si Selya.

Ang kanyang tula ay nakasulat sa wikang Tagalog. Bagaman, sa panahong iyon ang Espanyol ay ang dominanteng wika sa pagsulat sa Pilipinas. Pinalaya si Balagtas mula sa bilangguan noong 1838 at inilathala niya ang Florante at Laura noong panahong iyon. Naging katulong rin siya sa Katarungan at Kapayapaan nang lumipat siya sa Balanga, Bataan noong 1840. Pagkatapos ng labing-anim na taon ay agad siyang naging Major Lieutenant at punong tagasalin ng hukuman.

Matapos niyang makilala si Juana Tiambeng ng Orion, Bataan ay dali-dali silang nagpakasal noong 22 Hulyo 1842 at nagkaroon sila ng labing-isang anak. Limang lalaki at anim na babae. Gayunpaman, pito lamang sa kanila ang nagkaroon ng tiyansang mabuhay.

Huling mga Araw ng Prinsipe ng Makatang Pilipino

Muling nabilanggo si Balagtas sa Balanga, Bataan dahil sa sumbong na pinutol niya ang buhok ng isang katulong na babae ni Alferez Lucas. Nakalaya siya noong 1861. Ipinagpatuloy niya ang pagusulat ng mga komedya, awit at korido nang siya ay lumaya. Bago mamayapa si Balagtas, ibinilin niya sa kanyang asawa na “Huwag mong hahayaan na maging makata ang alin man sa ating mga anak, mabuti pang putulin mo ang mga daliri nila kaysa gawin nilang bokasyon ang paggawa ng tula”. Namatay si Balagtas noong Pebrero 20, 1862 sa edad na 74. Ang kanyang huling hangarin ay walang sinuman sa kanyang mga anak ang sumunod sa kanyang mga yapak sa takot na sila ay dumaan sa parehong mga paghihirap na kanyang dinanas.

2 COMMENTS

  1. Its like you read my mind! You seem to know a lot about this, like you wrote the book in it or something. I think that you can do with a few pics to drive the message home a bit, but other than that, this is excellent blog. A fantastic read. I’ll certainly be back.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here