Ang Pambansang Sayaw | Tinikling

Ang Tinikling ang itinuturing na Pambansang Sayaw ng Pilipinas na nagmula sa Kabisayaan sa Lalawigan ng Leyte. Iniuugnay ito sa pagdiriwang na may kinalaman sa agrikultura.

  • Tinikling

Pambansang Sayaw

Photo from: Google

Ang pangalang Tinikling ay hango sa pangalan ng Tikling (isang ibon na may mahabang leeg, tuka at paa) sapagkat ginagaya nito ang galaw ng nasabing ibon na kadalasang makikitang palunda-lundag at patakbo-takbo sa mga damuhan.

Isinasagawa ito sa saliw ng isang makalumang tugtugin.Gamit ang dalawang piraso ng mahabang kawayan, ginagaya ng mga mananayaw ang mayumi ngunit mabilis na kilos ng ibong Tikling sa tuwing binibitag ito ng mga magsasaka.

Mabilis at nasa batayang kompás na ¾ ang musika nito. Ang maingat na pag-iwas ng babae’t lalaking mananayaw sa nagpipingkiang kawayan ay halaw sa masigla ngunit mahinhing pag-iwas ng ibong tikling sa patibong na inilalatag ng mga magsasaka sa kanilang palayan. Ang tiklíng, bagama’t inspirasyon sa sayaw na ito, ay isang pesteng kumakain ng mga hinog na palay sa mga taniman.

Ang mga patibong ay may dalawang silbi — panghuli sa tikling upang gawing ulam at pampigil sa mapanirang pagkain ng tikling sa palay na malapit nang anihin. Sa sayaw, ang mga mananayaw ang tikling at ang mga nag-uumpugang kawayan ay kumakatawan sa mga patibong.

Sadyang maaaring makasakit ang sayaw — kapag naipit ang paa ng mga mananayaw na babagal-bagal tumalon bilang pag-iwas sa patibong. Ang ritmo ng sayaw ay bumibilis habang bumibilis din ang pingkian ng mga kawayan. Kailangan ng lakas ng loob at konsentrasyon ng sino mang susubok sumayaw nito.

Balintawak at patadyong ang karaniwang suot ng kababaihan sa pagsayaw ng tinikling. Barong tagalog naman at isang uri ng kulay pulang pantalon ang suot ng kalalakihan. Nakapaang sinasayaw ang tinikling. Karaniwang rondalya ang sumasaliw sa sayaw.