Ang Heneral | Antonio Luna

Ang Heneral na si Antonio Luna ay isang Pilipinong parmasiyotiko at isang Heneral na lumaban sa Digmaang Pilipino-Amerikano. Siya rin ang nagtatag ng kauna-unahang akademyang militar sa Pilipinas na naitatag noong Unang Republika ng Pilipinas.

Kung ang usapin ay ang pakikipag-digmaaan, ang katangian ng isang magaling na Lider ay dapat ibigay sa nararapat na Bayani, walang iba kundi si Heneral Luna.

Larawan ni Heneral Antonio Luna
Heneral Antonio Luna
Photo from: Google

Heneral Luna

Si Antonio Luna de San Pedro y Novicio Ancheta o mas kilala bilang Antonio Luna ay ipinanganak noong 29 Oktubre 1866 sa Binondo, Maynila. Siya ang bunsong anak nina Joacquin Luna at Laureana Novicio. Katulad ni Rizal, si Luna ay nag-aral din sa Ateneo Municipal de Manila at nakatanggap ng digri sa Batsilyer sa Sining noong 1881. Nag-aral din siya ng panitikan at kimika sa Pamantasan ng Santo Tomas, kung saan napanalunan niya ang unang gantimpala sa isang pagsusulat tungkol sa kimika. Kumuha rin siya ng kursong parmasyutika sa Unibersidad ng Santo Tomas at nakuha niya ang kanyang lisensiya sa kursong ito sa Unibersidad de Barcelona. Sa simula pa lamang ay isa na siyang tagapagtaguyod ng paghingi ng reporma sa mapayapang pamamaraan. At dahil sa hinalang siya ay isa sa mga teroristang kontra sa pamahalaan, dinakip siya ng mga may kapangyarihang Kastila, nilitis at ikinulong. Nang siya ay makalaya, nag-aral siya ng iba’t-ibang paraan ng pakikipaglaban sa Gante. Nang siya ay nakabalik na sa Pilipinas ay agad siyang sumapi sa rebolusyonaryong pamahalaan ni Emilio Aguinaldo at hinirang siyang direktor ng digmaan at tagapamahalang heneral ng Hukbong Rebolusyonaryo na siya namang ginawang kabahagi ng sandatahang lakas laban sa mga Amerikano.

Ang Digmaang Pilipino-Amerikano

Pinangunahan ni Heneral Luna ang tatlong grupo ng mga sundalo upang salakayin ang mga Amerikano sa La Loma kung saan ang mga Pilipino ay nakaranas ng matinding kasawian. Ang mga counterattacks ng mga Pilipino noong Pebrero 23 ay nagkamit ng ilang tagumpay ngunit bumagsak ang mga ito nang ang mga tropa mula sa Cavite ay tumangging sundin si Heneral Luna na nagsasabing si Aguinaldo lamang ang dapat nilang sundin. Galit na galit, inalisan ni Luna ng armas ang mga sundalo dahilan upang mapilitan siyang umurong sa mga labanan.
Pagkatapos ng ilang masasamang karanasan sa mga hindi-disiplinado at kakaibang pwersang Pilipino, isinumite ng isang bigong Heneral Luna ang kanyang pagbibitiw, na mabigat sa loob na tinanggap ni Aguinaldo. Sa sumunod na tatlong linggo, ang digmaan ay naging masama para sa Pilipinas kaya’t hinikayat muli ni Aguinaldo si Luna na bumalik at ginawa siyang Commander-in-Chief.
Si Luna ay bumuo at nagpatupad ng isang plano upang mapigilan ang mga Amerikano at magkaroon ng sapat na panahon upang makapagtayo ng baseng gerilya sa mga bundok. Ang plano ay binubuo ng mga patibong gamit ang mga kawayan at mga hukay na puno ng makamandag na ahas na inilatag sa buong kagubatan. Ang mga tropang Pilipino ay maaaring magpaputok sa mga Amerikano mula sa Luna Defense Line na ito, at pagkatapos ay unti-unting uurong sa gubat nang hindi nailalantad ang kanilang mga sarili sa atake ng Amerika.

Epekto sa Digmaan

Nang patayin ng mga guwardiya ni Aguinaldo ang kanyang pinakamagagaling na heneral, ang pangulo mismo ang lumusob sa punong tanggapan ni General Venacio Concepcion, isang kaalyado ng pinatay na heneral. Pagkatapos ay tinanggal ni Aguinaldo ang mga opisyal at tao ni Luna mula sa Philippine Army.
Para sa mga Amerikano, ang madugong labanan na ito ay isang regalo. Sinabi ni Heneral James F. Bell na si Luna “ang tanging heneral na mayroon ang hukbong Pilipino” at ang mga pwersa ni Aguinaldo ay nakaranas ng sunod-sunod na pagkatalo matapos ang pagkamatay ni Antonio Luna. Ginugol ni Aguinaldo ang halos lahat ng susunod na 18 na buwan sa pag-urong, bago siya nahuli ng mga Amerikano noong 23 Marso 1901.

Ang Pagpaslang kay Antonio Luna

Isang trahedya ang nangyari sa Cabanatuan. Pinaslang siya mismo ng mga mapanghimagsik na kanyang pinamumunuan si Heneral Antonio Luna. Maraming kaaway si Luna, tulad ni Kapitan Pedro Janolino ng Batalyong Kawit, personal na mga gwardiya ng Pangulong Heneral Emilio Aguinaldo, na hindi siya sinipot sa isang labanan. Nakatanggap ng mensahe si Luna, na pirmado raw ni Heneral Aguinaldo, pinapapunta siya sa Kumbento ng Cabanatuan upang mamuno na sa gabinete. Bilang masunuring kawal, nagtiwala siya at pagdating doon, nagulat siya nang makita si Kapitan Janolino, sinabi niya dito, “Hindi ba’t ikaw ang kawal na dinis-armahan ko dahil sa iyong karuwagan? Ang lakas ng loob mong harapin ako. Sino ang nagpabalik sa iyo?” Nang sabihin ni Janolino na ang mga nasa taas, dali-daling umakyat ng hagdan si Luna.  Si Buencamino ang kanyang naabutan. Umalis na raw si Aguinaldo at hindi na siya kakausapin. “Nag-aksaya lang tayo ng oras sa pagpunta ko dito,” kanyang sinabi, nagsigawan na sila ni Buencamino.
Bigla na lamang may narinig na putok si Luna kaya nanaog siya sa bahay at nang makita sa likod ng hagdan si Kapitan Janolino kanyang sinabi, “Sino ang nagpaputok?  Ngayon mas kumbinsido ako na hindi kayo marunong humawak ng baril.” Bigla na lamang siyang tinaga ni Janolino. Sinundan na siya ng kanyang mga tauhan sa pagbaril at pagsaksak sa heneral.  Nagtangka si Col. Francisco “Paco” Roman na iligtas ang kanyang amo ngunit binaril din siya hanggang sa mamatay.
Nakalakad pa si Luna patungo sa plaza, nagpapaputok ngunit nanghina na.  Kanyang sinabi, “Mga duwag, mga mamamatay tao!” Nakasarado ang kamao na tila nakikibaka sa mga taksil, pinatumba ng sunod-sunod na putok at namatay ang isa sa pinakamatapang na heneral ng himagsikan.  Napaulat na dumungaw sa bintana ang isang matandang babae at tinanong, “Nagalaw pa ba iyan?”  Siya raw ang ina ni Aguinaldo na si Trinidad.
Ayon kay Aguinaldo, wala siyang kinalaman sa pangyayari, ang tanging pagkukulang niya ay hindi niya naparusahan ang mga may sala.  Anuman, hindi ba’t hanggang ngayon maraming krimen ang hindi napagbabayaran dahil may kabig sa makapangyarihan ang mga taong ito, ang tawag dito ay impunity.  Mayroon na rin pala nito noon.