Ang Pambansang Awit | Lupang Hinirang

Ang Lupang Hinirang ay ang pambansang awit ng Pilipinas. Binuo ni Julian Felipe ang himig noong 1898 at ang mga titik ng awit naman ay inangkop mula sa tulang Filipinas na isinulat ni Jose Palma sa wikang Kastila noong 1899.

  • Ang Pambansang Awit ng Pilipinas / National Anthem of the Philippines

Ang Pambansang Awit ng Pilipinas

Lupang Hinirang Sheet Music 

Nagsimula ito bilang isang martsang pang-instrumental na ipinag-atas ni Emilio Aguinaldo na gamitin sa pagpapahayag ng kalayaan ng Pilipinas mula sa Espanya. Marcha Filipina Magdalo ang unang pangalan nito ngunit binago at naging Marcha Nacional Filipina matapos hirangin ito bilang pambansang awit ng Unang Republika ng Pilipinas.

Una itong tinugtog ng bandang San Francisco De Malabon sa araw ng pagpapahayag ng kalayaan noong Hunyo 12, 1898. Ang mga titik ng awit ay idinagdag na lamang matapos isulat ni Jose Palma ang tulang Filipinas noong Agosto 1899.

Naisipan ng pamahalaang kolonyal ng Estados Unidos noong dekada 1920 na isalin ang Pambansang Awit sa Ingles mula sa Kastila matapos na mapawalang bisa ang Flag Law. Ang pinaka-tanyag na pagsasalin ay ang Philippine Hymn na ginawa nina Senador Camilo Osias at isang Amerikano na si Mary A. Lane. Ito ang ginawang opisyal na pagsasalin ng Kapulungan ng Pilipinas noong 1938.

Nagbuo naman ng komisyon ang Kalihim ng Edukasyon na si Gregorio Hernandez upang baguhin ang mga salitang Tagalog ng pambansang awit noong panunungkulan ni Pangulong Ramon Magsaysay. Naging bunga nito ang pambansang awit na “Lupang Hinirang” na unang inawit noong Mayo 26, 1956. May mga kaunti pang mga pagbabago ang idinagdag noong 1962 na ginagamit hanggang sa kasalukuyan.

National Anthem: Lupang Hinirang


Bayang magiliw,
Perlas ng Silanganan.
Alab ng puso,
Sa dibdib mo’y buhay.
Lupang Hinirang,
Duyan ka nang magiting.
Sa manlulupig,
Di ka pasisiil.
Sa dagat at bundok,

Sa simoy at sa langit mong bughaw.
May dilag ang tula,
At awit sa paglayang minamahal.
Ang kislap ng watawat,
Mo’y tagumpay na nagniningning.
Ang bituin at araw,
Niya kailan pa ma’y ‘di magdidilim.
Lupa ng araw ng luwalhati’t pagsinta
Buhay ay langit sa piling mo.
Aming ligaya na pag may mang-aapi,
Ang mamatay nang dahil sa iyo.