Napapaderang Lungsod | Kutang Santiago

Ang Moog ng Santiago o Kutang Santiago ay kinilala bilang Napapaderang Lungsod at isang pook sa Maynila, Pilipinas. Ang Kuta ay ipinagawa ni Miguel Lopez de Legazpi, at dito sila namuhay kasama ng iba pang Hispano. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nawasak ang muog at ipinagawang muli. Sa kasalukuyan, isa itong popular na lugar sa Pilipinas na pinupuntahan ng mga dayuhan.

  • Napapaderang Lungsod

Kutang Santiago

Kutang Santiago
Photo from: Google

Ang Lungsod na Nakapader o Napapaderang Lungsod ay ang bansag sa Intramuros at Kutang Santiago sa buong Lungsod ng Maynila. Ang mga lugar na nasasakupan nito ay may mga antigong tindahan at ang pamumuhay ng mga tao dito ay sumasalaysay sa kasaysayan at ugali ng pamumuhay na ibinigay ng mga Espanyol.

Ang orihinal na pangalan ng Kutang Santiago o sa ingles Fort Santiago ay Fuerza Santiago, isang tanggulang moog na sinumulang itayo noong 1590 at natapos noong 1739 sa dating lugar na kinalalagyan ng matandang Maynilad na matatagpuan sa bunganga ng Ilog Pasig.

Bahagi ito ng mga esktraturang bumubuo sa siyudad ng Intramuros, ang itinuturing na Lungsod ng Maynila noong panahon ng mga Espanyol. Ang pader na nakapalibot dito ay ang nagsisilbing proteksiyon na may kapal na walong talampakan at taas na dalawampu’t dalawang talampakan.

Hindi maikakaila ang kahalagahan nito sa kasaysayan ng Pilipinas. Sa panahon ng kolonisasyon, ito ang nagsilbing pangunahing tanggulang moog ng gobyernong Espanyol. Ginawa din itong bilangguan. Dito ikinulong si Jose Rizal at ginugol niya ang kaniyang mga hulíng araw bago siya bitayin noong 30 Disyembre 1896. Mula sa kanyang selda, sinulat niya ang kaniyang hulíng tula na Ultimo Adios.

Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang Kutang Santiago ang nagsilbing punong himpilan ni Heneral Douglas MacArthur at mula dito, ay pinamunuan niya ang hukbong Pilipino-Amerikano laban sa mga mananakop na Hapones. Sa panahon ng pananakop ng mga Hapon, ang Kutang Santiago ay naging kasingkahulugan ng kamatayan para sa mga Pilipino. Dito isinagawa ng mga kempeitai o pulis-militar ng mga Hapon ang matinding pagpapahirap o parusa sa mga napaghihinalaang miyembro ng gerilya. Maraming Pilipino ang namatay sa mga selda nito. Sa liberasyon ng Maynila noong 3 Pebrero 1945, dumanas ng matinding pinsala ang moog sa bombahan ng magkalabang puwersa.

Sa kasalukuyan, ang moog at ang mga selda nitó ay isa nang pambansang dambana. Mula sa imahen nito ng pagpapahirap at kamatayan, ito ngayon ay larawan ng kagandahan at kapayapaan para sa mga nais lumaya sa magulong buhay siyudad.