Mga elemento ng tula

Ang tula ay isang akdang pampanitikan na kilala sa malayang paggamit ng wika sa iba’t ibang anyo at estilo. Ating talakayin ang mga Elemento ng Tula.

Mga Elemento ng Tula

  • Sukat
  • Saknong
  • Tugma
  • Kariktan
  • Talinhaga

Sukat – Ito ay tumutukoy sa bilang ng pantig ng bawat taludtod na bumubuo sa isang saknong. Ang pantig ay tumutukoy sa paraan ng pagbasa.

Halimbawa: isda = is - da -> ito ay may dalawang pantig.
                  is - da - ko - sa - Ma - ri - ve - les -> ito ay may 8 pantig.

Mga uri ng sukat:
1. Wawaluhin – Ang halimbawa nito ay ang: Isda ko sa Mariveles / Nasa loob ang kaliskis.
2. Lalabindalawahin – Ang laki sa layaw karaniwa’y hubad / Sa bait at muni, sa hatol ay salat.
3. Lalabing-animin – Sari-saring bungang kahoy, hinog na at matatamis / Ang naroon sa loobang may bakod pa sa paligid.
4. Lalabingwaluhin – Tumutubong mga palay, gulay at maraming mga bagay / Naroon din sa loobang may bakod pang kahoy na malabay.

Ang mga tulang may lalabing-dalawa at labing-walo ay may sesura o hati na nangangahulugang saglit na paghinto ng pagbasa o pagbigkas sa bawat ika-anim na pantig.

Halimbawa:
Ang taong magawi / sa ligaya’t aliw

Noong panahon ng mga Hapon, may tulang dinala rito ang mga Hapones. Ito ay ang tinatawag na Haiku, na may limang pantig lamang sa loob ng isang saknong at Tanka naman na may pitong pantig sa loob ng isang saknong.

Saknong – Ang saknong ay isang grupo sa loob ng isang tula na may dalawa o maraming linya o taludtod.

2 linyacouplet
3 linyatercet
4 na linyaquatrain
5 linyaquintet
6 na linyasestet
7 linyaseptet
8 linyaoctave

ang couplets, tercets, at quatrains ang madalas na ginagamit sa mga tula.

Basahin: Mga Anyo ng Tula

Tugma – Isa itong katangian ng tula na hindi angkin ng mga akda sa tuluyan. Sinasabi na may tugma ang tula kapag ang huling pantig ng huling salita ng bawat taludtod ay magkakasintunog.

Lubha itong nakakaganda sa pagbigkas ng tula, ito rin ang nagbibigay sa tula ng angkin nitong himig o indayog.

Silipin din: Tayutay at mga uri nito

Mga uri ng tugma:
1. Tugma sa patinig (Ganap)

Halimbawa: Mahirap sumaya
Minsa'y nalilimot ang wastong ugali

Para masabing may tugma sa patinig, dapat pare-pareho ang patinig sa loob ng isang saknong o dalawang magkasunod o salitan.

aaa
aab
aba
abb

2. Tugma sa katinig (Di-ganap)

a. Unang lipon – b, k, d ,g, p, s, t

Halimbawa: Malungkot balikan ang taong lumipas
Nang siya sa sinya ay kinapos-palad

b. Ikalawang lipon – l, m, n, ng, r, w, y

Halimbawa: Sapupo ang noo ng kaliwang kamay
Ni hindi man lang matingnan ang sikat ng araw

Kariktan – Kailangang magtaglay ang tula ng maririkit na salita upang masiyahan ang mambabasa at sa ganon ay mapukaw ang damdamin at kawilihan nila.

Halimbawa: maganda - marikit
mahirap - dukha o maralita

Talinhaga – Magandang basahin ang tulang di-tiyakang tumutukoy sa bagay na binabanggit. Ito ay isang sangkap ng tula na may kinalaman sa natatagong kahulugan ng tula.

Halimbawa: nag-agaw buhay
nagbabanat ng buto

Basahin din: Talumpati
Panitikan ng Pilipinas

ADVERTISEMENT
loading...