Liberator ng Ilocos | Diego Silang

Tinaguriang Liberator ng Ilocos at isang Pilipinong Rebolusyonaryong pinuno na nakipagsabuwatan sa mga puwersang Britanyo upang patalsikin ang pamamahalang Kastila sa hilagang Pilipinas.

  • Liberator ng Ilocos

Diego Silang

Diego Silang
Photo from: Google

Si Diego Silang y Andaya ay isinilang noong 16 Disyembre 1730 sa Caba, La Union. Ang kanyang mga magulang ay sina Miguel Silang at Nicolasa de los Santos. Sa pag-aandukha ni Padre Cortez, nakapag-aral si Diego at naging tagahatid liham siya ni Obispo Bernardo Ustaris ng Nueva Segovia.

Sa kanyang paglalakbay, nadatnan niya ang kahindik-hindik na kalagayan ng mga Pilipino. Nang magbalik siya sa Vigan, siya ay nagtalumpati at dito ay inilarawan niya ang sinapit ng kanyang mga kababayan sa ilalim ng mga kastila. Inilahad niya ang pang-aalipin ng mga kastila sa mga Pilipino tulad nag paggawa ng mga sasakyang pandagat gamit ang Kalakalang Galyon at pinagbabayad ng mga malalaking buwis.

Dahil sa mga talumpating ito, siya ay pinarusahan ni Alkalde Mayor Antonio Zabala at lantarang pinagpapalo sa harap ng maraming tao. Nang ang mga Ingles ay sumalakay at nakuha ang Maynila, sinamantala ni Diego na alukin ang mga kababayan na mag-alsa.

Nagtatag sila ng maliit na hukbo, kasama niya ang isa mga lider niya na si Juan de la Cruz Pilaris na noo’y nag-aalsa sa Pangasinan. Humingi sila ng mga pagbabago ngunit hindi sila pinakinggan. Dito nagsimula ang pakikihamok, at naging matagumpay sila. Nang mga ilang buwan ang nakalipas, nagkaroon sila ng mahigit sa 2,000 na kawal at halos buong hilagang Luzon ay nasa pamamahala ng mga Ilokano.

Sa kasamaang-palad ang isang kasamahan ni Diego Silang ay nahuli ng mga kawal na kastila. “Iligtas mo ang iyong buhay. Pumayag ka sa iuutos namin sa iyo.” Halos mamatay sa sama ng loob si Miguel Vicos sa salitang ito ng mga prayle, ngunit sa pag-aalala sa kanyang asawa’t anak, sinunod nito ang utos sa kanya.

Pataksil na binaril ni Vicos ang kanyang kaibigan na si Diego. Bago ito nalagutan ng hininga, ipinagbilin niya sa kanyang asawa ang mga salitang ito, “Gabriela, ipagpatuloy mo ang ating pakikipaglaban sa kapakanan ng ating kalayaan.” Ipinagbilin din sa kanyang tiyo na si Nicolas Carino “Tiyong, tulungan mo si Gabriela.” Namatay si Diego noong Mayo 28, 1763 sa gulang na 32 lamang.

Si Diego Silang ay isa mga dakilang Pilipino na naghain ng buhay upang maging malaya ang bansa.