Kudyapi

Ang kudyapi ay isang intrumentong pangmusika na nagmula sa Mindanao at kadalasang tinatawag na boat-lute. Ito ay may halintulad sa pinahabang gitara.

Gawa ang kudyapi sa kahoy at hungkag ang loob nito upang makalikha ng mainam na tunog o tono, mayroon din itong dalawang kuwerdas.

Pangkaraniwan itong ginagamit ng mga Ata, Magindanaw, Manobo, at Meranaw. Matatagpuan din itong instrumentong pangmusika sa Palawan. Tinatawag din itong kudlong ng mga Ata, Manobo, at Bagobo; hagelong naman ang tawag ng mga Tiboli.

Basahin: Kulintang

Sa lalawigan ng Palawan, ang kudyapi ay mayroong dalawang anyo: malaki at maliit. Ang malaking anyo nito ay maaaring umabot sa dalawang metro ang haba at maaaring gamitin sa pagsaliw sa pag-awit ng kulilal o awit ng pag-ibig.

Ang mas maliit na anyo naman nito ay ginagamit sa paggagad ng mga tunog na maaaring marinig sa kalikasan.

Noong mga panahong ika-16 na siglo, isinalaysay ni Padre Diego de Bobadilla ang kaniyang nalalaman tungkol sa kudyapi. Aniya, “may lumang instrumentong tinatawag na cutiape na kasalukuyang ginagamit ng mga katutubo. Mayroon itong apat na kuwerdas na gawa sa tanso. Titugtog nila ito nang may kahusayan, at sa pamamagitan ng pagtugtog nila ng instrumentong ito ay nasasabi ang anumang nais nilang sabihin. At pinatotohanan na nag-uusap ang bawat isa sa pamamagitan lamang ng instrumentong pangmusika na ito—isang pambihirang katangian ng mga katutubo sa kapuluan”.

Ang kudyapi ay pinapahalagahan at ginagalang na instrumento ng mga Magindanaw at Meranaw. Dahil noon ay tinutugtog lamang ito ng mga natatanging musiko para sa mga datu at sultan.

Gayunpaman, mayroon ding sariling katipunan ng musikang pangkudyapi lamang at walang ibang kasaliw.

Basahin din: Cirilo Bautista
Mga Instrumentong Musikal sa Pilipinas

ADVERTISEMENT
loading...