Komisyon sa Wikang Filipino

Ang Komisyon sa Wikang Filipino ay ang pangunahing ahensiya ng pamahalaan na may katungkulang magsagawa ng pananaliksik at pagpapaunlad ng wikang Filipino.

Itinaguyod ito bilang pagtupad sa tadhana ng Konstitusyon 1987 at alinsunod sa Batas Republika Blg. 7104 na nilagdaan ni dating Pangulong Corazon Aquino noong ika-14 ng Agosto taong 1991.

Ang Komisyon sa Wikang Filipino ay binubuo ng labing-isang komisyoner na kumakatawan sa mga pangunahing wika at mga kaugnay na larangan ng pag-aaral sa Pilipinas, at ito ay pinangungunahan ng isang punong komisyoner.

Basahin: Buwan ng Wika

Ang Komisyon sa Wikang Filipino ay may sekretaryat at mga empleyado na nasa ilalim ng pangangasiwa ng isang Direktor Heneral. Isa rin ito sa mga kaanib na ahensiya ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at Sining.

Nagsimula ang kasaysayan nito sa naging adhikain ng Konstitusyong 1935 na magkaroon ng isang Wikang Pambansa batas sa isang katutubong wika ng Pilipinas.

Naitatag ang KWF sa bisa ng Batas Komonwelt Blg. 184 s. 1936 ang National Language Institute upang sundin ang tadhanang pangwika ng Saligang Batas.

Ang Naturang ahensiya ay nabuo noong 1937 at naging popular sa tawag na Surian ng Wikang Pambansa. Ipinahayag din nito ang Tagalog bilang wikang batayan ng Wikang Pambansa noong ika-30 ng Disyembre taong 1937.

Isa sa mahalagang layunin ng Komisyon sa Wikang Filipino ay maipakalat ang paggamit ng sarili nating wika upang makatulong o magsilbing gabay sa pag-unlad ng bansa at pagkakaisa.

Tungkulin din nito na panatilihin ang patuloy na paglago ng iba pang katutubo at rehiyonal na wika sa Pilipinas. Kaugnay nito, tungkulin ng KWF ang pagbalangkas ng mga patakaran at kaukulang mga programa at pananaliksik upang mapalawak ang Filipino at mapalaganap itong wika ng komunikasyon at edukasyon sa buong bansa.

Basahin din: Barayti ng Wika
Kasaysayan ng Pilipinas

ADVERTISEMENT
loading...