Jose Palma

Si Jose Palma ay isang makata at sundalong Pilipino at naging tanyag dahil sa pagsulat niya ng Filipinas—na naging titik ng Pambansang Awit ng Pilipinas.

Ipinanganak si Jose Palma noong ika-6 ng Hunyo taong 1876 sa Tondo, Maynila. Noong 1894 ay sumapi siya sa Katipunan na sinundan ng pag-anib sa hukbo laban sa mga Amerikano na pinamumunuan ni Col. Rosendo Simon noong 1899.

Nakapag-aral siya sa Ateneo Municipal de Manila, at dito ay nakatagpo niya si Gregorio del Pilar na naging pinakabatang heneral ng mga hukbong manghihimagsik.

Basahin: Huseng Batute

Si Jose Palma ay kumatha ng mga lirikong tula at pinahanga ang marami sa pamamagitan ng pagpapalimbag ng isang aklat ng mga tula noong siya ay labing-pitong taong gulang pa lamang.

Ang kaniyang pag-aaral ay naantala nang maganap ang Unang Sigaw sa Balintawak noong Agosto taong 1896.

Nakasama siya sa mga labanan sa Angeles, Pampanga at Bambang, Tarlac sa Ilalim ni Col. Servillano Aquino. Ngunit hindi pinayagan ang kaniyang mahinang kalusugan upang lumahok sa iba pang mga labanan, at nanatili na lamang siya sa mga kampo.

Pagkaraan ay sumali siya sa La Independencia—ang pahayagang itinayo ni Antonio Luna at dito nailathala ang tula niyang Filipinas na siyang inilapat sa musika ng Marcha Nacional Filipina ni Julian Felipe.

Nagkaroon siya ng pitak na Vida Manileña sa pahayagang El Renacimiento sa panahon ng mga Amerikano.

Ang kaniyang mga tulang madamdamin na sa kasalukuyan ay mahalagang bahagi ng ating panitikan ay tinipon at ipinalimbag ng kaniyang kapatid na si Dr. Rafael Palma. Sa kasawiang-palad, maagang pumanaw si Jose Palma sa edad na 30 noong ika-12 ng Pebrero taong 1903.

Basahin din: Salawikain
Kasaysayan ng Pilipinas

ADVERTISEMENT
loading...