Tinaguriang “Ina ng Katipunan”, “Ina ng Himagsikan”, at “Ina ng Balintawak” dahil sa angking galing niya sa pang-gagamot noong panahon ng pananakop ng mga Kastila.

  • Tandang Sora

Tandang Sora

Melchora Aquino
Photo from: Wikepedia

Ipinanganak si Melchora Aquino noong 6 Enero 1812 sa Balintawak at anak ng mag-asawang magsasaka na sina Juan at Valentina Aquino. Binansagan siyang Tandang Sora dahil matanda na siya noong sumiklab ang himagsikang pinamumunuan ni Andres Bonifacio taong 1896. Siya ay hindi nagkaroon ng pagkakataong makapag-aral, subalit kung pakikipagkapwa tao ang pag-uusapan ay nasa kanya ang mga katangiang maaaring ituro ng isang guro sa paaralan. Mayroon siyang maliit na tindahan sa Balintawak.

Gayunpaman, sa maagang edad, siya ay likas na matalino at may angking husay sa pag-awit kung saan nagtatanghal siya sa mga lokal na okasyon gayundin sa Misa para sa kanyang Simbahan. Siya ay ikinasal kay Fulgencio Ramos, isang cabeza de barrio at may anim na anak. Namatay si Ginoong Ramos noong pitong taong gulang pa lang ang kanilang bunsong anak.

Ipinagpatuloy ni Tandang Sora ang kanyang buhay bilang isang hermana mayor na aktibo sa pagdiriwang ng mga pista, baptismo, at kasalan. Nagtrabaho siya nang husto upang mabigyan ng karapat-dapat na edukasyon ang kanyang mga anak.

Sa kanyang katutubong bayan, nagtayo si Tandang Sora ng isang tindahan na naging kanlungan para sa mga may sakit at sugatan na mga rebolusyonaryo. Kinupkop, pinakain, binigyan ng medikal na atensiyon at pinapayuhan ang mga rebolusyonaryo at ipinagdarasal niya ang mga ito. Ang mga lihim na pagpupulong ng mga Katipunero ay ginanap din sa kanyang bahay. Sa gayon ay nakuha niya ang mga bansag na “Babae ng Rebolusyon”, “Ina ng Balintawak”, “Ina ng Rebolusyong Pilipino”, “Ina ng Katipunan”, at Tandang Sora na ang “Tandang” ay nagmula sa salitang Tagalog na matanda.

Natunugan ng mga Kastila ang kabutihan ni Tandang Sora, lalo na sa mga katipunero kaya’t siya ay hinuli at ipinatapon sa pulo ng Marianas. Bumalik sa Pilipinas si Tandang Sora nang ito ay nasa pamahalaan na ng mga Amerikano. Matandang-matanda na siya at walang nalalabing ari-arian. Nabuhay siyang isang dukha at namatay sa karalitaan noong 2 Marso 1919. Ngayon ay nakahimlay ang mga labi ni Tandang Sora sa kanyang bakuran sa Balintawak na ngayon ay kinatatayuan ng Himlayang Pilipino.