Ika-7 Sultan ng Maguindanao | Sultan Kudarat

Si Sultan Kudarat ay ang ika-7 Sultan ng Kasultanan ng Maguindanao, nagpamalas siya ng katapangan at katalinuhan para ipagtanggol ang bansa. Buo ang tiwala ng mga nasasakupan ng sultan kaya isa’y walang nagkanulo sa kanya.

  • Ika-7 Sultan ng Maguindanao

Sultan Kudarat

Photo from: Google

Si Sultan Muhammad Dipatuan Qudratullah Nasiruddin o Muhammad Dipatuan Kudarat ay isinilang taong 1581 sa bayan ng Maguindanao. Itinuring siya ng mga Kastila na napakalaking hadlang sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo sa Mindanao. Si Muhammad Dipatuan Kudarat ay matalino at matapang kaya nahirapan sa kanya ang mga mananakop.

Nang mga panahong iyon, nasakop na ng mga dayuhang kastila ang mga karatig-pook sa Mindanao. “Hindi ko mapahihintulutang mapasailalim sa mga dayuhan”, matapang na sinabi ni Kudarat nang minsan ay padalhan siya ng sugo buhat sa pamahalaang kastila.

Pagkalisan ng mga sugo, ipinag-utos agad ng sultan ang paghahanda ng mga tauhan upang lusubin ang mga lugar na nasakop ng mga kastila. Naganap ang pinakamatinding labanan sa pagitan ni Sultan Kudarat at Heneral Corcuera noong 1637. Natalo ang mga muslim ngunit hindi sila nahuli ng mga kastila.

Ayaw makita ni Sultan Kudarat na nangamamatay na ang kanyang mga tauhan kaya minabuti niya muna ang umatras sa labanan. Sa galit naman ng mga kastila, ipinasunog ang lahat ng mga iniwang kuta ni kudarat.

Maraming buhay at salapi ang nawala para mapasuko o magapi si kudarat. Ngunit dahil sa katapangan at katalinuhan nito ay nahirapan ang mga kastila. Nag-alok ng mga salaping pabuya si Heneral Corcuera kung mahuhuli, patay man o buhay ang matapang na Sultan.

Lalo lamang naging mailap at maingat si Kudarat. Sinikap niyang mapanatili ang pagkakaisa ng kanyang mga kababayang Muslim. Matatag ang kanyang paninindigan na ipagtanggol ang kanyang pananampalataya at mga nasasakupan.

Nagtagumpay si Sultan Kudarat na mapanatili ang kalayaan sa mga lupang nasasakupan niya kahit may mga suliranin at kahirapan. Ipinag-utos niya ang paglipat ng mga tao sa siksikang lugar at pinatira sa mga nakatiwangwang na lupa. Sa ganito nalilinang ang mas malapad na lupain. Sa kanilang pagsisikap, dumami ang kanilang mga pagkain at produkto. Naging maunlad ang Maguindanao at ito’y dahil sa mabuting pamamahala ng Sultan.

Sa panahon ng kanyang pamumuno, mula 1619 hanggang 1671, nanatiling malaya ang Maguindanao sa pananakop ng mga dayuhan. Napag-isa niya ang dati’y watak-watak na mga lipi at pangkat. Kinagulatan ang kanyang tapang at talino ng mga kastila, kaya sa loob ng tatlong siglo patuloy na ‘di sila nasasakop ng mga dayuhan.

Ang iniwang kaharian ng kanyang ama ay kanyang inalagaan at ipinagtanggol hanggang sa kanyang kamatayan noong 1671. Hanggang sa huling sandali ng buhay ay hindi niya pinayagang ang kalayaan ay mawala.