Ika-6 Pangulo ng Pilipinas | Elpidio Quirino

Si Elpidio Quirino ang naihalal bilang ika-6 na Pangulo ng Republika ng Pilipinas magmula 1948 hanngang 1953. Siya rin ang naging Unang Pangalawang Pangulo ng Ikatlong Republika.

  • Ika-6 na Pangulo ng Pilipinas

Elpidio Quirino

Elpidio Quirino
Photo from: Wikipedia

Si Elpidio Rivera Quirino ay ipinanganak sa Vigan, Ilocos Sur noong 16 Nobyembre 1890. Anak nina Don Mariano Quirino at Doña Gregoria Mendoza Rivera. Siya ay nakapag-aral sa Caoayan ng elementarya, sa Vigan High School sa sekundarya at pagkatapos ay tumungo siya sa Maynila upang maging junior computer technician sa Bureau of Lands at property clerk sa departamentong kapulisan ng Maynila.

Nakapagtapos siya sa Manila High School noong 1911 at nakapasa sa pagsusulit ng serbisyong sibil. Noong 1915, siya ay nagtapos ng abugasya sa Unibersidad ng Pilipinas at nakapasa sa bar exams.

Di naglaon, Si Quirino ay nahalal sa Kapulungan ng mga Kinatawan mula 1919 hanggang 1925. Makaraan ang ilang taon siya ay nahalal na Senador mula 1925 hanggang 1931 bilang kinatawan ng Unang Distritong Senatoryal. Siya ay naglingkod bilang kalihim ng pananalapi at ng Interyor ng Komonwelt ng Pilipinas. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, si Quirino ay muling nahalal sa Senado ngunit hindi nakapaglingkod hanggang 1945. Pagkatapos ng Ikalawang digmaang pandaigdig, si Quirino ay inilagay na Senate President pro tempore.

Taong 1934, si Quirino ay naging kasapi ng misyong pangkalayaan ng Pilipinas sa Washington, D.C., na pinamunuan ni Manuel L. Quezon. Nakamit nito ang pagpasa ng Kongreso ng Estados Unidos ng Batas Tydings–McDuffie.

Matapos mapalaya ng mga Amerikano ang Pilipinas mula sa pananakop ng mga Hapones, ang Komonwelt ng Pilipinas ay ibinalik sa Pilipinas noong 27 Pebrero 1945 kung saan ang kasalukuyang Pangulo ay si Sergio Osmeña. Noong Disyembre 1945, ang House Insular Affairs ng Kongreso ng Estados Unidos ay nagpasa ng isang resolusyon na nagtatakda sa halalang hindi natapos ng Abril 30. Si Manuel Roxas ay tumakbo sa ilalim ng Partido Liberal na kanyang itinatag pagkatapos humiwalay sa Partido Nacionalista. Si Quirino ay napiling kasamang tatakbo ni Roxas. Nanalo sina Roxas at Quirino sa 1946 halalan ng pagkapangulo at pangalawang pangulo noong 23 Abril 1946. Si Quirino ay nahirang na Secretary of Foreign Affairs.

Hindi pa tapos ang termino ni Roxas nang siya ay namatay, si Quirino ay hinalinhan ng Pangalawang Pangulong si Elpidio Quirino noong 17 Abril 1948. Nang sumunod na taon, si Quirino ay tumakbo sa ilalim ng partido Liberal at nahalal na Pangulo para sa apat na taong termino.

Sa ilalim ng termino ni Quirino, nagkaroon ng kahanga-hangang rekonstruksiyon ang ekonomiya pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pangkalahatang paglago ng ekonomiya na may higit 9.43% at lumaking tulong pang ekonomiya mula sa Estados Unidos. Sa ilalim ni Quirino, maraming mga pabrika ang naitatag na nagpataas ng antas ng pagkakaroon ng trabaho at nagbigay sa bansa ng unang imprastrukturang industriyal. Sa pamamagitan ng mahigpit na mga patakaran ng pagtitipid, nagawa niyang patatagin ang piso at balansehin ang budget.

Pinalawig ni Quirino ang mga sistemang irigasyon, ipinatayo ang mga plantang hydroelectric sa talong Maria Cristina at Bulacan upang lutasin ang problema sa kuryente sa Luzon, pinabuti ang mga lansangan, itinatag ang bangko sentral at pagbabangkong rural na nagpapautang sa mga magsasaka at negosyante.

Nilikha ni Quirino ang Social Security Commission at ng President’s Action Committee on Social Amelioration na nangangasiwa sa pagbibigay ng tulong, pautang, at kaginhawaan sa mga mahihirap na mamamayan. Ang kanyang programa ay kinabibilangan ng insurance para sa kawalang trabaho, pagtanda, aksidente at kapansanan, kalusugan, pang-ina at pagpapaginhawa ng estado.

Ang administrasyon ni Quirino ay nabahiran ng malawakang korupsiyon. Ang halalan ng pagkapangulo noong 1949 na kanyang napalunan ay isa sa mga hindi malinis na halalan sa kasaysayan ng Pilipinas. Siya ang kauna-unahang nakaupong pangulo ng Pilipinas na tinangkang iimpeach at inakusahan ng paggamit ng mga pondong pampamahalaan upang ipaayos at bumili ng mga kasangkapan para sa Malacañang, nepotismo at pagpuslit ng diamante. Ang impeachment ay itinakwil ng komiteng pangkongreso dahil sa kawalan ng paktuwal at legal na basehan. Ang korupsiyon ang nagtulak kay Ramon Magsaysay na kumalas sa partido Liberal at tumakbo laban kay Quirino sa 1953 halalan ng pagkapangulo sa ilalim ng partido Nacionalista.

Pagkaraang matalo kay Ramon Magsaysay sa 1953 halalan ng pagkapangulo, si Quirino ay nagretiro mula sa politika noong 1953. Siya ay namatay noong 29 Pebrero 1956 sa atake sa puso. Siya ay inilibing sa Manila South Cemetery sa Makati.