Ika-4 Pangulo ng Pilipinas | Sergio Osmeña

Si Sergio Osmeña ang inihalal bilang ika-4 na Pangulo ng Republika ng Pilipinas magmula 1944 hanggang 1946 at naihalal din siya bilang ikalawang Pangulo ng Komonwelt.

  • Ika-4 na Pangulo ng Pilipinas

Sergio Osmeña

Sergio Osmeña
Photo from: Wikipedia

Si Sergio Osmeña ay ipinanganak noong 9 Setyembre 1878 sa Cebu at higit na kilala ngayon bilang Sergio Osmeña, Sr. Siya ang ama ni dating Senador Sergio Osmeña Jr. Siya ay nag-aral sa Maynila sa San Juan de Letran College kung saan niya unang nakilala sina Manuel L. Quezon na kanyang kaklase at sina Juan Sumulong at Emilio Jacinto. Kumuha siya ng kursong batasa sa Unibersidad ng Santo Tomas at naging ikalawa sa eksaminasyon ng batas noong 1903.

Siya ay naglingkod bilang katulong sa digmaan ni Heneral Emilio Aguinaldo at bilang courier o mamamahayag. Noong 1900 ay itinatag niya ang pahayagan El Nuevo Día sa Cebu na tumagal ng 3 taon. Noong 1904, ang pamahalaang kolonyal ng Estados Unidos ay humirang sa kanya bilang gobernador ng Cebu. Pinakasalan niya si Estefania Chiong Veloso noong 10 Abril 1901 at nagkaroon sila ng 10 anak.

Basahin: Ilustrado

Habang nagsisilbing gobernador, tumakbo siya sa halalan ng unang Asamblea ng Pilipino noong 1907 at nahalal na speaker nito. Siya ay naglingkod sa mababang kapulungan hanggang 1922. Itinatag niya kasama ni Manuel L. Quezon ang Partidong Nacionalista upang hadlangan ang Partido Federalista ng mga politikong taga Maynila.

Noong 1922 ay nahalal si Osmeña sa Senado. Siya ay tumungo sa Estados Unidos bilang bahagi ng Misyong OsRox noong 1933 upang makuha ang pagpasa ng panukalang batas ng kalayaang Hare–Hawes–Cutting na pinalitan ng Batas Tydings-McDuffie noong 1934.

Si Osmeña kasama ni Manuel Roxas ay ang nanguna sa isang kampanya na tinatawag na misyong OsRox taong 1931 para sa pagkilala ng Estados Unidos ng kalayaan ng Pilipinas at pamumuno sa sarili ng Pilipinas. Nakamit ng misyong OsRox ang pagpasa ng Kongreso ng Estados Unidos ng Hare–Hawes–Cutting Act na nangangakong magbibigay ng kalayaan sa Pilipinas pagkalipas ng 10 taon ngunit ito ay itinakwil ng Senado ng Pilipinas sa panghihimok ni Manuel L. Quezon. Si Quezon ay nanguna sa isang misyon noong 1934 upang makuha ang pagpasa ng Kongreso ng Estados Unidos ng Batas Tydings–McDuffie na pinagtibay ng Senado ng Pilipinas.

Ayon sa Saligang Batas ng Pilipinas ng 1935, ang termino ni Manuel L. Quezon bilang pangulo ay magwawakas noong 30 Disyembre 1943 at ang pangalawang Pangulo ang automatikong halili sa kanya. Ito ay ipinaalam ni Osmeña kay Quezon ngunit naniwala si Quezon na hindi matalinong ipatupad ang tadhanang ito ng Saligang Batas dahil sa mga kasalukuyang sirkunstansiya ng pamahalaan ng Pilipinas.

Hindi ito tinanggap ni Osmena at hiniling ang opinyon ni U.S. Attorney General Homer Cummings na umayon kay Osmeña. Gayunpaman, ito ay hindi tinanggap ni Quezon at hiniling niya kay Pangulong Franklin D. Roosevelt ng Estados Unidos na magbigay ng desisyon ngunit ito’y tumangging manghimasok at sa halip ay ipinayong ito ay lutasin ng mga opisyal ng pamahalaang Komonwelt ni Quezon.

Pagkatapos ng pagpupulong, hiniling ni Osmena sa Kongreso ng Estados Unidos na suspindihin muna ang pagpapatupad ng tadhana ng 1935 Saligang Batas ng Pilipinas sa paghalili ng pangulo hanggang sa panahong mapalaya ang Pilipinas mula sa mga Hapones. Ito ay inayunan ni Quezon at ng kanyang Gabinete. Ang panukala ay pinagtibay ng Senado ng Estados Unidos at mga Kinatawan ng Estados Unidos noong 10 Nobyembre 1943.

Basahin din: Kilusang Propaganda

Si Osmeña ang naging Pangulo ng Komonwelt ng Pilipinas na nasa Estados Unidos pagkatapos mamatay ni Quezon noong 1 Agosto 1944.

Pagkatapos ibalik ang pamahalaang Komonwelt ng Pilipinas noong 1945, tumawag ang mga senador na sina Manuel Roxas, Elpidio Quirino at mga kaalyado nila para sa isang halalan ng pagkapangulo, ikalawang pangulo at mga kasapi ng Kongreso ng Pilipinas. Pinagtibay ng Kongreso ng Estados Unidos ang halalan para sa 23 Abril 1946.

Ang tatlong pangkat ay lumahok sa halalan: Ang pangkat konserbatibo nina Osmeña at Eulogio Rodriguez ng partido Nacionalista, ang partido Liberal nina Roxas at Quirino na galing sa partidong Nacionalista at ang Partido Modernista ni Hilario Moncado. Ngunit natalo si Osmeña kay Manuel Roxas sa halalan ng pagkapangulo.

Pagkatapos matalo sa halalan, si Osmeña ay bumalik sa kanyang tahanan sa Cebu. Siya ay namatay noong 19 Oktubre 1961 sa edad na 83 sa Veteran’s Memorial Hospital sa Quezon City. Siya ay inilibing sa Sementeryong Norte sa Maynila.

Basahin din: Kamikaze
Mga Pangulo ng Pilipinas

ADVERTISEMENT
loading...