Si Manuel L. Quezon ang inihalal bilang ika-2 Pangulo ng Republika ng Pilipinas mula 1935 hanggang 1944. Naging Unang Pangulo din siya ng Komonwelt.

  • Ika-2 Pangulo ng Pilipinas

Manuel L. Quezon

Manuel L. Quezon
Photo from: Wikipedia

Si Manuel Luis Quezon y Molina ay ipinanganak noong 19 Agosto 1878 sa Baler, Aurora. Siya ay kilala bilang Ama ng Wikang Filipino. Tinagurian ding Ama ng Republika ng Pilipinas, siya ang naging unang Pangulo ng Komonwelt ng Pilipinas sa ilalim ng pamahalaang Amerikano noong simula ng ika-20 siglo.

Bagamat hindi kinilala ng ibang bansa ang naunang Republica Filipina na siyang pamahalaang rebolusyunaryo ni Emilio Aguinaldo, si Quezon ay itinuturing ng mga Filipino bilang ikalawang Pangulo lamang ng bansa, sumunod kay Aguinaldo. Si Quezon ay tinatawag din Ama ng Kasarinlang Pilipino dahil sa kanyang mga ginawa upang isulong ang kasarinlan ng Pilipinas mula sa pamahalaang Amerikano.

Taong 1906, si Quezon ay inihalal bilang konsehal at kalaunan ay naging Gobernador ng Tayabas. Noong ika-25 ng Hulyo 1907, nagbitiw siya bilang Gobernador at tumakbo para sa Philippine Assembly mula 1907 hanggang 1909, siya ay naging miyembro ng Philippine Assembly, at Majority Floor Leader at Chairman ng Appropriations Committee. Noong 1909, siya ay inihalal ng Lehislatura ng Pilipinas bilang resident commissioner sa Kongreso ng Estados Unidos.

Si Manuel L. Quezon ay inihalal bilang Senador ng Ikalimang Distrito noong 1916 at naging Pangulo ng Senado hanggang 1935. Umabot ng labing siyam na taon ang kanyang pagiging Pangulo sa Senado.

Makalipas ang ilang taon, si Quezon ay tumakbo sa unang halalan sa pagka-Pangulo ng Pilipinas noong Nobyembre 1935 at nanalo siya laban kay Emilio Aguinaldo (dating Pangulo ng Rebolusyunaryong Republica Filipina, na dati ay pinagsilbihan niya bilang aide-de-camp), at Gregorio Aglipay.

Masigasig na isinusulong ni Quezon ang panlipunang katarungan o social justice, kung kaya minsan ay kanyang winika: “Ang panlipunang katarungan ay higit na mas makatutulong kapag ang ginamit na batayan ay ang damdamin at pang-unawa at hindi ang batas.” Noong 1937, nilagdaan ni Quezon ang kauna-unahang batas para sa minimum wage sa Pilipinas. Noong taon ding iyon, unang bumoto ang kababaihang Pilipino sa isang plebisito tungkol sa karapatan ng mga babaeng bumoto o ang tinatawag na women’s suffrage.

Noong ika-8 ng Disyembre, 1941, bago pa lamang naihalal si Quezon sa kanyang ikalawang termino bilang Pangulo nang inatake ng bansang Hapon ang Pearl Harbor sa Hawaii. Kasunod ay ang pag-atake sa iba’t ibang mga base militar ng Estados Unidos sa Pilipinas. Nang salakayin ng mga Hapones ang Pilipinas, lumikas si Quezon sa Corregidor, kung saan siya muling nanumpa bilang Pangulo noong ika-30 ng Disyembre, 1941, sa harap ng Malinta Tunnel.

Nang sumunod na buwan, napilitan si Quezon na lumikas ng Corregidor papuntang Visayas lulan ng isang submarino, at mula doon ay sa papuntang Mindanao. Alinsunod sa imbitasyon ng gobyerno ng Estados Unidos, siya ay inilikas papuntang Australia at kalaunan sa Estados Unidos, kung saan niya itinayo ang pamahalaang desterado (government in exile) ng Commonwealth ng Pilipinas, na ang punong-tanggapan ay nasa Washington, D.C. Doon ay nagsilbi siya bilang miyembro ng Pacific War Council at isinulat niya ang sariling talambuhay, ang “The Good Fight” o “Ang Mabuting Pakikipaglaban”, na inilathala noong 1946.

Namatay si Quezon sa sakit na tuberculosis noong ika-1 ng Agosto 1944 sa Saranac Lake, New York. Una siyang inilibing sa Maine Memorial sa Arlington National Cemetery sa Washington D.C., pagkatapos ay hinukay muli ang kanyang mga labi at isinakay sa USS Princeton, at muling inilibing sa Manila North Cemetery noong ika-1 ng Agosto 1946. Kalaunan, ito ay inilipat sa Manuel Quezon Memorial Shrine, sa loob ng bantayog sa Quezon Memorial Circle sa Lungsod Quezon, noong ika-19 ng Agosto 1979, araw na sana’y kanyang naging ika-102 kaarawan.

Noong ika-23 ng Setyembre 1955, idineklara ni Pangulong Ramon Magsaysay ang ika-13 hanggang ika-19 ng Agosto kada taon bilang Linggo ng Wika. Ang selebrasyon nito ay palaging nagtatapos sa kaarawan ni Quezon, ang taong unang nagsulong ng paglikha ng isang pambansang wika.


Noong ika-15 ng Enero 1997, idineklara naman ni Pangulong Fidel V. Ramos ang buong buwan ng Agosto bilang Buwan ng Wika.


Ika-28 ng Abril 2005 nang iniutos ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na ang mga labi ng dating Unang Ginang Aurora Aragon Quezon, na tinambangan at pinatay sa daan patungong Bongabon sa Nueva Ecija noong ika-28 ng Abril 1949, ay hukayin sa dati nitong pinaglibingan at ilibing muli sa Quezon Memorial katabi ng mga labi ng kanyang asawang si Pangulong Manuel L. Quezon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here