Si Ferdinand Marcos ay ang ika-10 Pangulo ng Pilipinas magmula 30 Disyembre 1965 hanggang 25 Pebrero 1986. Isang abogado at nagsilbing kasapi ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas.

  • Ang Ika-10 Pangulo ng Pilipinas

Ferdinand Marcos

Ferdinand Marcos
Photo from: Wikipedia

Si Ferdinand Emmanuel Edralin Marcos ay isinilang noong 11 Setyembre 1917 sa Sarrat, Ilocos Norte. Anak nina Don Mariano R. Marcos at Donya Josefa Edralin. Siya ay iskolar sa buong panahon ng kanyang pag- aaral sa Pamantasan ng Pilipinas at naging kilala siya sa campus dahil sa sinasabing kahusayan sa debate at pagtatalumpati at maging sa larangan ng palakasan tulad ng swimming, boxing, at wrestling. Nagsulat din siya sa Philippines Collegian, ang opisyal na pahayagan ng Pamantasan ng Pilipinas. Nagbabalik-aral noon si Marcos para sa bar exams nang matalo ang kanyang ama sa muli nitong pagtakbo bilang kongresista.

Nang pagkalooban ng Estados Unidos ang Pilipinas ng kalayaan noong 4 Hulyo 1946, ang Kongreso ng Pilipinas ay itinatag. Pagkaraan ng digmaan at pagtatag ng Republika ng Pilipinas noong 1948, hinirang ni Pangulong Manuel Roxas si Marcos bilang Special Technical Assistant. Sa parehong taon ay tumakbo si Marcos sa kongreso at nahalal ng dalawang beses. Sa gitna ng kanyang ikatlong termino bilang kinatawan, siya ay tumakbo sa Senado.

Bilang ika-10 Pangulo ng Pilipinas, matagal na panahong naging kasapi si Marcos ng Partido Liberal. Hiningi niya ang nominasyon ng partido bilang kandidato sa pagka-pangulo noong 1964, ngunit ang kasalukuyang pangulo na si Diosdado Macapagalang ang pinili ng partido. Tumiwalag si Marcos sa Partido Liberal at lumipat siya sa Partido Nacionalista, kung saan nakuha niya ang kanilang nominasyon. Nanalo siya sa halalan noong 19 Nobyembre 1965 na may bilang na 3,861,324 boto laban sa 3,187,752 boto ni Macapagal.

Sa kanyang unang termino, sinimulan ni Marcos ang paggugol sa mga gawaing pampubliko kabilang ang pagpapatayo ng mga lansangan, tulay, mga health center at mga eskwelahan. Napanatili niya ang kanyang kasikatan sa kanyang unang termino at noong 1969 ay muling nahalal bilang pangulo para sa ikalawang 4 na taong termino. Gayunpaman, ang kasikatan ni Marcos bilang pangulo ay bumagsak sa kanyang ikalawang termino.

Ang pagbatikos kay Marcos sa kanyang ikalawang termino ay nagmula sa panlilinlang sa kanyang kampanya at talamak na korupsiyon sa pamahalaan noong 1969. Nagkaroon din ng isang pangkalahatang kawalang kasiyahan ang mga mamamayan dahil ang populasyon at patuloy na pagbilis na lumalago kaysa sa ekonomiya na nagsanhi ng mas mataas na kahirapan at karahasan. Ang NPA ay nabuo noong 1969 at ang MNLF ay nakipaglaban para sa pakikipaghiwalay sa Pilipinas ng Muslim Mindanao. Sinamantala ni Marcos ang mga ito at ang ibang mga insidente gaya ng mga pagpoprotesta ng mga manggagawa at mga estudyante at pambobomba sa mga iba’t ibang lugar sa bansa upang lumikha ng isang kapaligiran ng krisis at takot na kanyang kalaunang ginamit upang pangatwiranan ang kanyang pagpapataw ng Batas Militar o Martial Law. Sa panahong ito, ang popularidad ni Senador Benigno Aquino Jr. at ng oposisyong Partido Liberal ay mabilis na lumago.

Sinisi ni Marcos ang mga komunista para sa nakakahinalang pambobomba sa rally ng partido Liberal sa Plaza Miranda noong 21 Agosto 1971. Ang isang isinagawang pagtatangkang pagpaslang sa kalihim ng pagtatanggol ni Marcos na si Juan Ponce Enrile ang isang dahilang ibinigay ni Marcos upang ipataw ang Martial Law ngunit ito ay kalaunang inamin ni Enrile na peke. Noong 23 Setyembre 1972 ay idineklara ni Ferdinand Marcos ang Batas Militar o Martial Law at binuwag ang Kongreso ng Pilipinas na nag-aalis ng tungkulin sa mga senador at kinatawan. Sa ilalim ng Batas Militar, nagkaroon ng kapangyarihang lehislatibo o paggawa ng batas si Marcos. Noong 1973, pinalitan ang Saligang Batas ng Pilipinas ng 1935 ng isang bagong Saligang Batas at si Marcos ay nagmungkahi ng mga amiyenda sa bagong Saligang Batas na pinagtibay noong 1976 na nagbibigay sa kanya ng kapangyarihan na magpatuloy magsanay ng mga kapangyarihan sa ilalim ng 1935 Saligang Batas at lahat ng mga kapangyarihang ipinagkaloob sa Pangulo at Punong Ministro ng 1973 Saligang Batas gayundin ng mga kapangyarihang paggawa ng batas hanggang sa iangat ang Batas Militar.

Sa ilalim ng Batas Militar ipinabilanggo ni Marcos ang mga 30,000 politikong oposisyon, mga bumabatikos na mamamahayag at mga aktibista kabilang si Senador Benigno “Ninoy” Aquino. Mula 1973, ginawang pag-aari ng pamahalaan ni Marcos ang mga pribadong negosyo at naging pag-aari ni Marcos o ibinigay sa kanyang mga kamag-anak. Itinatag ni Marcos ang kapitalismong crony at mga monopolyo sa mga mahahalagang industriya gaya ng buko, tabako, saging, pagmamanupaktura, asukal at iba pa na nagbigay ng malaking pakinabang sa kanyang mga kamag-anak. Si Marcos ay mabigat na umutang sa dayuhan na umabot ng 28 bilyong dolyar noong mapatalsik si Marcos noong Pebrero 1986 mula kaunti sa 2 bilyong dolyar noong maluklok si Marcos bilang pangulo noong 1965. Kanyang hinirang ang mga opiser ng militar upang mangasiwa sa ilang mga korporasyon at inutos niyang kontrolin ng militar ang lahat ng mga pampublikong utilidad at media.

Ang isang bagong halalan ay idinaos noong 1981 kung saan nanalo si Marcos ng isa pang anim na taong termino bilang pangulo. Pagkatapos ng tatlong taon, bumalik si Ninoy Aquino sa Pilipinas noong 21 Agosto 1983 kung saan siya pinaslang sa paliparan na kalaunang tinawag na Ninoy Aquino Intenational Airport. Natagpuan ng komisyong hinirang ni Marcos na ang sabwatang militar ang nasa likod ng pagpaslang kay Ninoy ngunit ang mga nasangkot na kasapi ng militar kasama si Fabian Ver ay pinawalang sala sa isang paglilitis ng pamahalaan ni Marcos.

Ang mga iniulat na pandaraya ng kampo ni Marcos sa 1986 halalan at mga karahasan ay humantong sa pagbibitiw ng kalihim ng pagtatanggol na si Juan Ponce Enrile at Military Vice-Chief of Staff Fidel Ramos. Ito ay humantong sa Himagsikang People Power na nilahukan ng mula isang milyon hanggang 3 milyong katao noong 1986 dahil sa kawalan ng pagtitiwala ng mga mamamayan sa pamumuno ni Marcos. Ito ay nagtulak kay Ferdinand Marcos at kanyang pamilya na lumikas sa Hawaii, Estados Unidos kung saan siya namatay noong 1989. Sinasabing mula 5 bilyon hanggang 10 bilyong dolyar ang nakamkam ni Marcos mula sa kabang yaman ng Pilipinas sa 20 taon niyang panunungkulan. Ang mga 4 bilyong dolyar lamang ang nagawang mabawi ng pamahalaan ng Pilipinas kabilang ang $684 milyon na itinago ni Marcos sa mga Swiss bank account.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here