Hospicio de San Jose

Ang Hospicio de San Jose ay ang kauna-unahang Katolikong Institusyong pangkawang-gawa sa Pilipinas na itinatag noong 1778 para makatulong sa mga mahihirap.

Ang hospicio ay hango sa salitang Español na nangangahulugang ampunan at ito ang nagsisilbing tahanan ng mga mahihirap at may kapansanan sa Maynila.

Sa kasalukuyan, kinukupkop nito ang mga batang ulila o iniwan ng mga magulang, matatandang walang tahanan, at mga may kapansanan.

Basahin: Bahay na Bato

Nagsimula ang Hospicio de San Jose bilang Hospicio General at naitatag sa pamamagitan ng pondo sa halagang apat na libong piso na kaloob ni Don Francisco Gomez at ng kaniyang asawang si Doña Barbara Versoza, upang pasasalamat sa paggaling mula sa isang malubhang karamdaman.

Ayon sa balita, bukod sa mag-asawa, may iba pang nagkaloob ng karagdagang halaga bilang tulong sa Hospicio de San Jose. Sa kasamaang palad, hindi na nakita ng mag-asawa ang aktuwal na pagkatatag ng institusyong hinangad nilang maging tagakupkop ng mga kapuspalad ng Maynila.

Makaraan ang ilang taon, ipinangalan ang Hospicio General kay San Jose at nagkaroon ito ng iba’t-ibang tahahan, una ay sa Pandacan at pagkaraan naman ay sa Intramuros, sa Nagtahan, at sa Echague.

Noong 1810, inilipat ito sa Isla de Convalescencia na matatagpuan malapit sa Tulay ng Ayala at hanggang sa kasalukuyan doon pa rin ito nakatirik.

Noong 1886, nalipat ang pamamahala ng hospicio sa Daughters of Charity of St. Vincent de Paul dahil sa kahilingan sa Gobernador-Heneral ni Doña Margarita Rojas—isa sa mga tagapagtaguyod ng Hospicio.

Basahin din: Casa Gorordo
Kasaysayan ng Pilipinas

ADVERTISEMENT
loading...