Gregoria de Jesus

Si Gregoria de Jesus ay ang tinaguriang Lakambini ng Katipunan at ang ikalawang asawa ni Andres Bonifacio. Kilala rin siya sa bansag na Ina ng Himagsikan.

Isinilang siya noong ika-9 ng Mayo taong 1875 sa Kalookan. Siya ay anak ng ulirang mag-asawang sina Nicolas de Jesus—isang maestro karpintero at dating gobernadorsilyo ng Kalookan, at Baltazara Alvarez.

Hindi niya natapos ang kaniyang pag-aaral, minabuti niyang ihinto muna ito upang tumulong sa pangangasiwa ng kanilang palayan.

Basahin: Melchora Aquino

Si Gregoria de Jesus na karaniwang tinatawag sa bansag ng mga manghihimagsik na Inang Oriang, ay nagkaroon ng mahalagang tungkulin sa Katipunan. Siya ay naging kasapi sa mapanganib na pagpapalaganap ng Katipunan at mga hirap sa panahon ng Himagsikang 1896.

Si Gregoria de Jesus ay lumaking maganda at dahil sa kaniyang angking kagandahan ay hindi maikakailang maraming nanliligaw sa kaniya. Isa na rito ay si Andres Bonifacio na naging masugid niyang manliligaw at kalaunan ay naging kaisang dibdib niya noong Marso 1893 sa Binondo.

Malaki ang papel ni Oriang sa pag-iingat ng mga lihim na papeles at dokumento ng Katipunan. Mabilis niya itong nilikom at naitakas nang minsanang magsiyasat ang mga pulis Veterana sa kanilang lugar.

Silipin din: Emilio Jacinto

Sa panganib na dala ng kaniyang tungkulin, nag-aral siyang bumaril at mangabayo upang maging isang mahusay na mandirigma. Nang sumiklab ang Himagsikang 1896, kasama siya ni Bonifacio sa Balintawak at kabundukan.

Matapos paslangin si Bonifacio, nasadlak siya kung saan-saan hanggang nanirahan siya sa Pasig. Dito niya nakatagpo si Julio Nakpil—dating kalihim ng Supremo at pinuno ng mga manghihimagsik sa Montalban at San Mateo, Rizal.

Pagkaraan ay ikinasal sila sa Quiapo noong ika-10 ng Disyembre taong 1898. Nagkaroon sila ng walong anak ngunit anim lamang ang lumaki.

Sa kasawiang palad, binawian ng buhay si Gregoria de Jesus noong ika-15 ng Marso taong 1943 sa kasagsagan ng pananakop ng mga Hapones dahil sa atake sa puso.

Basahin din: Kartilya ng Katipunan
Kasaysayan ng Pilipinas

ADVERTISEMENT
loading...