Carlos Francisco

Si Carlos Francisco o mas kilala sa tawag na Botong Francisco ay isang muralista at kinilala rin siya bilang Pambansang Alagad ng Sining sa Pintura.

Isinilang si Carlos Francisco noong ika-4 ng Nobyembre taong 1912 sa bayan ng Angono, Rizal. Napangasawa niya si Rosalina at nagkaroon sila ng tatlong anak. Nakapagtapos din siya sa School of Fine Arts ng Unibersidad ng Pilipinas.

Ang palayaw niya na Botong ay nagmula sa katawagan sa isa ring popular na karakter sa Cainta, Rizal na kasing itim ng kulay niya.

Basahin: Benedicto Cabrera

Isa si Carlos Francisco sa bumubuo ng triunvirato ng modernismo na nagpabago sa larangan ng sining sa Pilipinas noong namamayani ang impluwensiya ni Amorsolo. Kasama rin siya sa mga nagtatag ng Thirteen Moderns noong 1938 at nagpaunlad at nagtaguyod ng mga likhang miyural.

Ang kaniyang mga obra ay nagtampok ng mga makabagong hulagway ng mga Pilipino, mula sa kanilang mga kaugalian at pagdiriwang tulad ng Musikong Bumbong, Bayanihan, Pista, Sandugo, at Moriones hanggang sa mga pangkaraniwang tanawin at gawain sa kanilang paligid.

Naging popular ang kaniyang sining ng disenyo at ritmo, makabagong idyoma sa pamamagitan ng matitingkad na kulay ng karaniwang tao at pakurbadang linyang nagpapanagpo at pumupuno sa bawat espasyo.

Bilang isang mahusay na muralista, ang dingding ng mga kilalang institusyon ay nagsilbing malaking kambas para sa sining ni Carlos Francisco. Sa kaniya rin ang ginamit na gahiganteng miyural na sumusukat ng 88 metro ang taas at 8 metro ang lapad sa entrada ng kauna-unahang International Flair na inilunsad ng Pilipinas noong 1953.

Maituturing na pangunahingg obra ni Carlos Francisco ay ang miyural para sa Bulwagang Katipunan ng Munisipyo ng Maynila na pinamagatang Filipino Struggles Through History na nagtatampok sa kasaysayan ng Maynila mula sa panahon ng mga Raha hanggang sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano.

Namatay si Carlos Francisco sa edad na 57 noong ika-31 ng Marso taong 1969 at inilibing siya sa kaniyang bayang sinilangan.

Basahin din: Pintados Festival
Kasaysayan ng Pilipinas

ADVERTISEMENT
loading...