Bayan Ko

Ang Bayan Ko ay isang kundiman na nilikha noong 1928 ni Constancio de Guzman na batay sa titik ni Jose Corazon de Jesus mas kilala bilang Huseng Batute.

Nang ito ay likhain, ang awit ay napapanahong diskuro tungkol sa nararanasang kolonisasyong Pilipinas sa ilalim ng Estados Unidos.

Ikinukumpara ng awit sa ibong nakakulong sa isang hawla ang Inang Bayan, at dahil sa angkin nitong ganda ay nahumaling ang mga dayuhan.

Basahin: Jose Maceda

Ang awiting Bayan Ko ay maituturing na kontribusyon ng mga may likha sa literatura ng protesta, noong panahong iyon na kinabibilangan ng mas maagang nilikhang Tanikalang Guinto, Hindi Ako Patay, Kahapon, Ngayon at Bukas, at iba pang akdang nagpahayag ng pagtutol sa pananakop sa Pilipinas.

Ang awit na “Bayan Ko” ay hindi nawalay sa kamalayan ng mamamayan. Patuloy pa rin itong ginagamit sa kilos-protesta laban sa mga mapaniil na gobyerno.

Bagaman kasama ito sa kalipunan ng awit na inilimbag ng administrasyong Marcos sa koleksiyong Mga Awit ng Bagong Lipunan, ito ay naging tampok na awit sa mga kilos-protesta sa pagpapabagsak sa diktador.

Naging popular din ito sa mga kilos-protesta laban sa mga gobyernong Estrada at Arroyo. Inawit din ito ng taumbayan sa paghahatid sa dating pangulo na si Corazon Aquino—sa kaniyang huling hantungan, at sa pagsalubong sa pagiging pangulo ng kaniyang anak na si Benigno Aquino Jr.

Ang bayan kong Pilipinas,
Lupain ng ginto’t bulaklak.
Pag-ibig ang sa kanyang palad,
Nag-alay ng ganda’t dilag.

At sa kanyang yumi at ganda,
Dayuhan ay nahalina.
Bayan ko, binihag ka,
Nasadlak sa dusa.

Ibon mang may layang lumipad,
Kulungin mo at umiiyak!
Bayan pa kayang sakdal dilag,
Ang di magnasang makaalpas?

Pilipinas kong minumutya,
Pugad ng luha ko’t dalita,
Aking adhika,
Makita kang sakdal laya!

Basahin din: Mi Ultimo Adios
Kasaysayan ng Pilipinas

ADVERTISEMENT
loading...