Bakya

Ang Bakya ay isang katutubong sapin sa paa na yari sa kahoy ang suwelas at katad o tela ang kaluban. Ito rin ay ang tinaguriang “Pambansang Sapin sa Paa”.

Maaaring impluwensiya ito ng mga Tsino o ng mga Hapones upang gamiting sapin sa paa ang bakya. Gayunpaman, maaaring bunga ito ng naramdamang likas na pangangailangan para sapnan ang paa laban sa subyang at putik.

Nagkaroon din ng masining na pag-ukit sa kahoy ng bakya at pagpipinta ng kung anumang disenyo sa katad o telang kaluban ng paa.

May panahon na isinusuot ito ng kababaihan kung pista at tanging okasyon. Ito rin ang nakasaad sa sentimental na awitin na “Ang Bakya Mo Neneng”.

Sa pag-usbong ng mga makabagong tsinelas at sapatos, naging sagisag ang bakya ng pagiging probinsiyanong makaluma.

Taong 1960, nagkaroon pa ito ng higit na masamang kahulugan. Ginamit ito ng isang direktor sa isang pelikula, si Pambansang Alagad ng Sining Lamberto Avellana, upang tukuyin ang mga manonood na ‘di umano nakauunawa o walang wastong pinag-aralan hinggil sa mahusay na pelikula.

Literal pang nakabakya noon ang mga dukhang manonood ng pelikulang Tagalog sa lalawigan. Sinundan pa ito ng samutsaring pambabatikos tulad ng “pangkaraniwan”, “probinsiyano”, at “mababang uri”.

Basahin din: Pambansang Sagisag ng Pilipinas
Ang Maikling Kwento

ADVERTISEMENT
loading...