Bahay na Bato

Ang Bahay na Bato ay isang malaking bahay ng mga mariwasang pamilya noong panahon ng kolonyalismong Español. Karaniwan itong makikita sa Vigan, Ilocos Sur.

Tinawag itong bahay-na-bato dahil mayroon itong batong dingding na pinagpatong-patong at idinikit ng semento ang pang-ibabang palapag nito.

Gayunpaman, kahoy ang mga haligi, sahig, at dingding ng pang-itaas na palapag nito at karaniwang tisa naman ang bubungan. Malimit na kahoy din ang hagdan at kahot ang mga muwebles sa loob ng bahay.

Basahin: Torogan

Madalas din itong tawaging bahay na kolonyal dahil may pangkalahatang estruktura ng bahay mariwasa sa España at pinalaganap sa mga kolonya nito.

Subalit, iginigiit ng mga makabayang arkitekto ngayon ang bahay-kubo bilang pangkalahatang huwaran ng estruktura ng bahay-na-bato gayundin ang inilakip na mga katutubong Asyanong sangkap sa paglikha ng tinatawag naman nilang tropikong baroko.

Ang pang-ibabang palapag ng bahay na ito ay karaniwang ginagawang bodega ng pamilya, garahe ng karwahe at karo ng santo, at silungan ng mga katulong.

Ang kabuuan ng pang-itaas na palapag ay nilalagyan ng mga natitiklop na partisyon para sa mga silid, pinakamalaki ang silid ng senyor at senyora, at alinsunod ang bilang sa kapritso ng may-ari.

Ang kabuuang ginamit na materyales sa bahay ay antigo at matigas na kahoy, ang mga dingding ay nahihiyasan ng mga maluluwang at mataas na durungawan. Sa ilalim ng pasamano, may bentanilya na binubuo ng kahoy o bakal na barandilya sa labas at dalawang uri ng durungawan sa loob.

Dagdag kaalaman para mas madaling ilarawan ang bahay na bato, basahin ang paglalarawan ni Jose Rizal sa bahay ni Kapitan Tiago sa unang kabanata ng Noli Me Tangere.

Basahin din: Casa Gorordo
Kasaysayan ng Pilipinas

ADVERTISEMENT
loading...