Araw ng Pambansang Mga Bayani

Araw ng pambansang mga Bayani
Araw ng pambansang mga Bayani

Ang Araw ng mga Pambansang Bayani ay hango sa Republic Act No. 3827 na ipinasa ng Philippine Legislature noong ika-28 ng Oktubre,taong 1931. Maraming bayani ang nagtangkang ipaglaban ang ating bansa. Kaya naman ito ay ipinagdiriwang tuwing huling linggo ng Agosto bilang pagbibigay pugay at pagbabalik gunita sa iba’t ibang personalidad na lumaban at nagtanggol para sa kalayaan ng Pilipinas.  

Napakahalaga ng araw na ito sapagkat dito natin inaalala ang kanilang pag-aalay ng buhay para sa demokrasya. Sila ang mga nanilbihan ng tapat at nagpatuloy na nabuhay nang may dangal at kabayanihan para sa kapakanan ng ating bayan. Sila ang hindi nakuntento sa kalagayan ng ating bansa noon kaya’t iniwan nila ng buong tapang ang ginhawa at tahimik na buhay. Nakibaka sila,sumanib sa kilusan at hindi muna inisip ang sarili upang ipaglaban ang bawat karapatan ng Pilipino.

Bayaning Pilipino

Mula sa kaliwa: Lapu-lapu, Andres Bonifacio, Melchora Aquino, at José Rizal

Sa ating kasaysayan, maraming Pilipino ang nagsumikap upang iahon ang ating bansa. Nariyan si Jose Rizal na lumaban sa mga kastilang mananakop sa pamamagitan ng panitikan. At si Andres Bonifacio, isang simpleng manggagawa na naging “Ama ng Rebolusyon.” Nariyan pa ang napakaraming lumaban sa ngalan ng bansa natin ngunit hindi lubos na nakilala sa kasaysayan. Sila ay ating pinasasalamatan at pinararangalan.

   Ipinagdiriwang ito ng ating bansa sa paraang pagpapaalala sa atin ng kanilang kabayanihan at paglahok sa mga seremonya bilang alay sa kanilang ginawa. Sa ganitong paraan natin naipapakita ang pagtanggap natin ang hamon na ipagpatuloy ang nasimulan ng ating mga ninuno. Kaya naman hinihimok din ang lahat na magkusang tumulong sa pagpapalaganap ng tunay na kahulugan ng kabayanihan. Dinadakila natin ang ating mga bayani sapagkat sila ang huwaran ng tunay na pagmamahal at pag-aaruga sa bayan. Kailangan nating balikan ang kanilang mga mabuting ehemplong magsisilbing patnubay sa ating pagkakaisang iahon ang ating bansa sa kanyang pagdurusa.