Ang Kolonya ng Espanya ay ang permanenteng paninirahan na naitatag lamang noong 1565 nang makarating ang ekspedisyon na pinamumunuan ni Miguel Lopez de Legazpi sa Cebu mula sa Mexico.

  • Panahon ng pananakop ng mga Kastila

Ang Kolonya ng Espanya

Miguel Lopez de Legazpi
Photo from: Wikipedia

Si Miguel Lopez de Legazpi ay isang Baskong Espanyol kongkistador na nagtatag ng unang kolonya sa Pilipinas noong 1565. Siya ay inutusan ni Haring Felipe ng Espanya na sakupin ang Pilipinas. Siya ay katulad ni Magellan, naglakbay gamit ang daan pakanluran na tumatawid ng Dagat Atlantiko at Pasipiko.

Nang manungkulan si Felipe bilang Haring Felipe II ng Espanya, iniutos niya ang isang ekspedisyon na ang layon ay kumuha ng rekado at tumuklas ng daan pabalik sa Espanya mula sa Pilipinas sa pamamagitan ng Dagat Pasipiko.

Itinilaga ng Hari si Legazpi bilang maging pinuno ng ekspedisyon. Tumulak si Legazpi mula Navidad, Mexico noong 21 Nobyembre 1564. Kasama niya sa ekspedisyong ito si Andres de Urdaneta na isang paring Augustino at magsisilbing pangunahing nabigante at tagapayong ispiritwal.

Ang ekspedisyon ay binuo ng apat na barko at tatlong daan at walumpung tauhan. Bago tumulak ang ekspedisyon, nakatanggap si Legazpi ng isang selyadong sobre mula sa hari na bubuksan lamang pag nakatating na sila sa kanilang patutunguhan. Sinunod ni Legazpi ang tagubilin at namangha sila dahil nakasaad sa sulat ang utos na “sakupin ang Pilipinas”. Wala silang magagawa kung hindi sundin ang utos, binuo nila sa isip na ang pananakop na kanilang gagawin ay bilang paglilingkod sa Diyos at sa Simbahan.

Dumaong ang pangkat ni Legazpi noong Pebrero 1565 sa pulo na malapit sa Cebu. Hindi naging maganda ang pagtanggap ng mga katutubo kaya sila ay napilitang humanap ng mga pangangailangan sa mga karatig-pook hanggang sa makarating sila sa Bohol. Naging maayos ang pagtanggap sa kanila ng mga boholono. Ngunit noong 16 Marso 1565, may naganap na sanduguan sa pagitan nina Legazpi at Sikatuna, isa sa mga pinuno sa Bohol.

Tumuloy sila sa Cebu subali’t hindi naging maganda ang pagtanggap ng mga tauhan ni Raha Tupaz, ang pinuno ng Cebu. Kinalaban nina Legazpi ang mga katutubo at madali nila itong nagapi. Pinatawad ni Legazpi ang mga tauhan ni Tupaz. Di naglaon, noong Hunyo 1565. ay lumagda sa isang kasunduan sina Legazpi at Tupaz. Sa kadahilanang kikilalanin nina Tupaz ang kapangyarihan ng Espanya at bilang kapalit, bibigyan sila ng proteksyon at pangangalaga ng mga Kastila. Tuluyang sinakop ni Legazpi ang malaking bahahi ng kapuluan ng Pilipinas. Sa pamamagitan ng krus at espada, napasailalim kay niya ang Pilipinas sa Imperyong Kastila.

Ang pamumuno ng mga Espanyol ay naitatag sa mga maliliit na malayang pamayanan na walang alam sa pamahalaang sentralisado. Matapos ang anim na taon, nang matalo ang isang Muslim na datu, itinatag ni Legazpi ang isang lungsod sa Maynila, na nagbigay ng pangunahing daungan sa Look ng Maynila, isang malaking populasyon at malapit sa mga kapatagan ng Gitnang Luzon. Naging sentro ng pamahalaang kolonyal ang Maynila, pati na rin ang aktibidad na pang-militar, panrelihiyon at pangkalakalan.

Naglayag ang mga bantog na galyon sa pagitan ng Maynila at Acapulco, Mexico. Dinala nila ang pilak at ilang mahahalagang metal mula sa Bagong Mundo sa Maynila upang bumili ng mga pampalasa mula sa Moluccas at ang porselana, ivory, lacquerware at sutla/seda mula sa Tsina at Timog-silangang Asya. Bagama’t ginamit ang mga ito sa Mexico, karamihan sa mga kalakal ang dinala sa Espanya, upang ipagbili sa Europa.

Ang Pilipinas ay naging lalawigan ng Nueva Espanya hanggang 1821, nang makamit ng Mexico ang kalayaan. Ang pananakop sa kapuluan ay nagtagumpay nang walang pakikipaglaban (maliban sa mga Muslim). Naging problema ng mga Kastila ang pakikipaglaban ng mga Muslim sa Mindanao at Sulu. Bilang sagot sa paglusob ng mga Espanyol sa mga Muslim at kanilang mga kakampi, sinalakay nila ang mga lugar sa Luzon at Bisayas na nasa ilalim ng pamamahala ng Espanyol. Naglunsad ang mga Kastila ng mga kampanya laban sa mga Muslim, ngunit wala itong naging tiyak na resulta hanggang sa gitna ng ika-19 siglo.

Magkaugnay ang Simbahan at Estado noong panahon ng Kastila. Naging responsibilidad ng estado ang mga institusyong panrelihiyon. Isa sa mga naging layunin ng Espanya sa kolonyalisasyon ng Pilipinas ay ang pagbibinyag ng mga tribu sa Kristiyanismo. Ang pagpapalit ng relihiyon ay naganap dahil sa kawalan ng ibang maayos na relihiyon, maliban sa Islam, na laganap sa Timog. Ang mga seremonya ng simbahan ay naging bantog, na naging dahilan upang mapasama ang iba’t ibang pista sa tradisyong Pilipino.

Naging sanhi nito ang pagdami ng mga Katoliko sa bansa, na tinutulan ng mga Muslim sa Mindanao at mga tribu sa Hilagang Luzon at ang mga Mangyan ng Mindoro.

Ang mga Kastila ay nagtatag ng tradisyonal na organisasyon ng barangay sa pamamagitan ng mga pinunong lokal sa mababang antas ng pamamahala. Ang istilong ito na hindi-direktang pamamahala ang nagdulot ng pagbubuo ng mataas na antas ng mga Pilipino na tinatawag na principalia, na naging mayaman, mataas ang respeto at iba pang mga pribilehiyo. Ito ay nagpakita ng isang sistemang oligarkiya sa lokal na pamamahala. Ilan sa mga pagbabago sa ilalim ng pamamahala ng Espanya ang pagpapalit ng ideya ng pagmamay-ari ng lupa sa konsepto ng pribadong pagmamay-ari at ang pagbibigay ng titulo sa mga kasapi ng principalia.

Hindi kumita ang Espanya sa Pilipinas bilang isang kolonya, at malapit nang maubos ang salapi ng pamahalaan dahil sa digmaan laban sa mga Dutch at sa pakikipag-laban sa mga Muslim. Ang kita ng pamahalaang kolonyal ay nanggagaling lamang sa kalakalang galyon.

Ang pamamahala ng Espanya sa Pilipinas ay sandaling naputol noong 1792 nang salakayin ng mga Ingles ang Maynila na naging sanhi ng pagpasok ng Espanya sa Digmaan ng Pitong Taon. Ang Kasunduan sa Paris ng 1763 ang nagbalik sa pamamahala ng mga Kastila at nilisan ng mga Ingles ang bansa noong 1764. Ang sandaling pananakop ng mga Ingles ang nagpahina sa kapangyarihan ng Espanya at nagdulot ng mga rebelyon at mga demanda para sa kalayaan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here