Alice Reyes

Si Alice Reyes ay isang kilalang mananayaw at koreograpo at kinilala rin siya dahil sa pagpapaunlad at pagpapakilala ng kontemporaneong sayaw sa Pilipinas.

Isinilang siya noong ika-14 ng Oktubre taong 1942. Nakapag-aral si Alice Reyes sa Maryknoll College mula sa mababang paaralan hanggang kolehiyo at nagtapos sa kursong AB History & Foreign Services.

Si Alice Reyes ang panganay sa kanilang limang magkakapatid, malaki ang naging impluwensiya ng kaniyang mga magulang sa industriya ng sining na tinatahak niya.

Basahin: Ramon Obusan

Ang kaniyang ina ay isang guro ng musika at pagkanta na si Adoracion Garcia, samantalang ang kaniyang ama naman ay kinilala bilang Ginoo ng Katutubong Sayaw sa Pilipinas na si Ricardo Reyes.

Dumalo ng palihan si Alice Reyes sa sayaw ng Center of Dance sa Colorado Springs, bago siya inanyayahan ni Hanya Holm sa New York upang mag-aral sa ilalim nina Martha Graham at Merce Cunningham—kilala ang dalawa bilang kasapi ng Big Four ng modernong sayaw sa Estados Unidos.

Pagbalik niya sa Pilipinas, kabilang sa mga naging pagtatanghal niya ang Amada na ginanap noong 1969—batay sa Summer Solstice ni Nick Joaquin, gayundin ang interpretasyon niya sa Carmen ni Bizet noong 1984.

Silipin din: Tinikling

Noong 1969, pinangunahan ni Alice Reyes ang CCP Dance Workshop Company sa Pilipinas, na naging CCP Dance Company, kalaunan ay kinilala bilang Ballet Philippines.

Naging direktor pang-sining siya nito sa loob ng 20 taon, bago pa man niya ipinasa ang tungkulin sa kapatid niyang si Edna Vina noong 1989. Nakapagtanghal na ang Ballet Philippines ng mahigit sa 400 na palabas, at 30 sa mga iyon ang likha mismo ni Reyes.

Dahil sa pagsisikap niyang mapaunlad ang industriya ng pagsasayaw, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Sayaw noong 2014.

Basahin din: Cariñosa
Kasaysayan ng Pilipinas

ADVERTISEMENT
loading...