ALAMAT NG ILANG ILANG2

Alamat ng Ilang-Ilang at mga tauhan.

  • Diyosa
  • Kalachuchi
  • Katuray
  • Adelfa
  • Manga
  • Dalawang Higad

Noong unang panahon, ang mga Diyosa ang pumipili kung anong puno ang bibigyan nila ng katangian upang mamulaklak.

Ilan sa mga punong nabigyan ng ganitong kakayahan at katangian ay sila Kalachuchi, Katuray, Adelfa, manga at iba pa. Ngunit isa sa mga hindi pinagpala upang mamulaklak ay si Ilang-ilang

Sobrang lungkot ni Ilang-ilang sapagkat gusto rin nitong magkaroon ng bulaklak narinig niya ang kanyang mga katabing puno na pinagmamalaki ang kanilang mga magagandang bulaklak kaya naiinget siya.

BASAHIN : Alamat ng Ibong Maya

Lumipas ang ilang araw naging mayabang ang mga ito kesyo mas maganda sila. Ang mga puno daw na hindi namumulaklak ay mas mabuting putulin na lamang upang gamitin na paggawa ng bahay o di kaya’y gawing panggatong para may pakinabang.

Nasaktan at mas lalong nalungkot si Ilang-Ilang sa mga narinig nito, kaya tuwing gabi umiiyak ito upang sa gayon ay walang makarinig sa kanyang mga hikbi. walang magawa si Ilang-ilang kaya’t hinayaan na lamang niya ang mga mayayabang niyang kapwa puno.

Dumating yung araw na biglang umulan, napakalakas na ulan at tila babagyo pa ata, ang lahat ng puno ay nagsipaghanda. Ang mga may bulaklak ay hinigpitan ang kapit upang hindi matangay ng hangin at ulan ang kanilang pinaka-iingatang mga bulaklak. Dahil sa wala namang bulaklak si Ilang-Ilan, ito ay kampante na makakaraos sa bagyo.

Sa di kalayuan, dalawang higad ang naghahanap ng masisilungan mula sa ulan. Naka-ilang tanong na ang mga ito, nakikiusap sa mga puno na sila ay patuluyin pansamantalang may bagyo. Ngunit lahat ng mga puno ay tumanggi sa kanila, lalo na ang mga bulaklak. Siguradong ubos hindi lamang ang mga dahon kundi pati na rin ang kanilang mga bulaklak ani nila.

Walang magawa ang mga kawawang higad. Umalis sila na nangangamba na ano mang oras ay tatangin sila ng baha.

Narinig ni Ilang-ilang ang pagpapalayas ng mga ibang puno sa dalawa kaya’t pasigaw nitong tinawag ang mga higad. Inalok nito na sa kanya na lamang tumuloy ang dalawa. Total, aniya, wala naman siyang mga bulaklak at di hamak na mas mahalaga ang buhay ng mga higad kaysa sa kanyang mga dahon. Kumain lang daw sila ng maski ilang dahon ang gusto nila.

BASAHIN : Ang Pambansang Wika

Matagal bago natapos ang unos. Nang sumikat ang araw hinanap ni Ilang-ilang ang mga kaibigang higad ngunit wala na ang mga ito. Nalungkot siya na baka nahulog ang mga ito dahil sa malakas na hangin at ulan.

Sa halip, may nakita si Ilang-ilang na parang mga bulaklak na nakasabit sa kanyang mga sanga. Ito na nga ang dalawang higad na sa gitna ng unos ay naging mga ganap na paru-paro.

Nalaman ng mga diyosa ang kagitingang ginawa ni Ilang-ilang. Binisita nila ang puno na may dalang magandang balita. Pagkakalooban si Ilang-ilang ng pabuya dahil sa inisip muna niya ang kapakanan ng iba bago ang sarili.

Simula noon ay magkakaroon na siya ng mga bulaklak na katulad ng mga naka-tiklop na pakpak ng mga kinalinga niyang paru-paro. Hindi lamang yun, ang kanyang mga bulaklak ay magkakaroon ng bango na hahalimuyak sa buong kakahoyan. Natuwa si Ilang-ilang, sa wakas magkakaroon na rin siya ng bulaklak. At dito na nagtatapos ang kwento ng Alamat ng Ilang-ilang.

Naghahanap ka pa ba ng ibang kwentong Alamat bukod sa Alamat ng Sampaguita ? Maaring pindutin lamang ang link na ito ( Mga Alamat | Panitikan ng Pilipinas )

ADVERTISEMENT
loading...